• Home
  • Fresh Scoops
  • ‘Circa’ director Adolf Alix ibinahagi ang karanasan sa pagdidirek ng 94-year-old actress na si Anita Linda

‘Circa’ director Adolf Alix ibinahagi ang karanasan sa pagdidirek ng 94-year-old actress na si Anita Linda

Ayon kay direk Adolf Alix, medaling makatrabaho ang beteranang aktres na si Anita Linda.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/6/2019 11:28 AM
‘Circa’ director Adolf Alix ibinahagi ang karanasan sa pagdidirek ng 94-year-old actress na si Anita Linda


Sa edad na 94 ay gumagawa pa rin ng pelikula ang beteranang aktres na si Ms. Anita Linda. Ang kanyang pinakahuling pelikula na may titulong Circa mula sa direksyon ni Adolf Alix, Jr., ay bahagi ng 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino na magsisimula sa September 13, 2019.

When PUSH asked Direk Adolf kung hindi ba mahirap i-handle ang kagaya ni Ms. Anita, aniya ay hindi naman daw.

“Si Tita Alice (real name ng aktres is Alice Lake), natutuwa ako sa kanya kasi pag ako yung kausap niya parang ang dali lang pong gawin ng mga bagay-bagay para sa kanya.

“Kasi ang ginagawa ko po, sinasabi ko lang sa kanya kung ano yung lines na kailangan niyang sabihin, kung ano yung kailangan niyang emosyon do’n sa particular na eksena,” kuwento ng Circa director.

Nagugulat din ang director na kahit may edad na ang award-winning actress ay nakaka-memorize pa rin ito ng mahahabang dialogues.

“Minsan, sasabihin niya, ‘Direk, pasensiya na kayo baka mamaya makalimutan ko yung linya pag nag-take ha,’ ganyan-ganyan. Pag nag-take na po at narinig niya yung ‘action,’ memorize naman niya po.

“Tapos pag nakalimutan halimbawa ng kaeksena niya, bubulungan niya yon, ‘Uy, nakalimutan mo yung linya mo,’” sambit pa niya.

Ayon pa sa director, para na rin niyang kapamilya ang beteranang aktres.

“Para sa akin po pamilya na si Tita Alice, eh, kasi lagi niyang sinasabi, ‘Oh, pag may pelikula, kunin mo ako, kahit maliit lang yung role.’ So parang hindi po ako nahihirapan. Alam ko po na sa edad niya, ang pinakamalaki lang niyang problemang sinasabi niya po, siyempre yung paggalaw niya, kasi may vertigo po siya, so hindi siya ganun ka-mobile.

“Pero aside from that, I think excited pa rin siyang gumawa ng pelikula, pero siyempre dahil 94 na nga po siya medyo nalilimit siya nung ibang kilos, pero kita n’yo po sa kanya yung excitement,” kuwento pa niya.

Tanggap din ni Direk Adolf na may mga pagkakataon talaga na hindi naiiwasang nagkakaroon ng lapses ang beteranang aktres.

Kuwento pa niya, “Minsan po, siyempre may lapses dahil sa edad niya pong yon. Siyempre, may time na gusto na niyang umuwi, pero pag nakita niya po ako, ‘Hindi direk, okey pa ako!’” wika pa niya.

Sinisigurado din daw ng produksyon na hindi gagabihin sa set ng Circa si Ms. Anita Linda at lagi siyang nababantayan. “Dapat 6 ng hapon umuuwi na siya para magpahinga. Maaga rin kasi siyang gumigising, 3 a.m. daw nag-aayos na siya ng mga gagamitin sa shoot. Well, alam ko naman na siyempre 94 na siya so hindi siya puwedeng magdamag, so yon po.

“Inalagaan naman po siya sa set. Basta yon po lagi, basta at 6 ng gabi uuwi na siya. Puwede naman siyang maagang i-call time kasi nga maaga din po siyang nagigising. Nirerespeto namin yung time niya kasi alam ko rin naman po na beyond 6 p.m. baka mahirapan na po siya,” pahayag pa ni Direk Adolf.

Eh, paano niya naman hina-handle ang mood swings ng kanyang lead star?

Sagot niya, “Actually, hindi siya nakakairita. Nakakatuwa siya kasi para pong may lola kayo na naglalambing, naiinip, ganun po. Hindi siya yung, ‘Ayoko na, uwi na ako!’”

Sa pelikula ay ginagampanan ni Ms. Anita Linda ang role ni Donya Atang na nagpapatakbo ng isang film production nung kanyang kapanahunan.

“Nung nagre-research ako nung early period ng cinema, di ba meron pong malalaking studios – LVN, Sampaguita at saka Premier – dalawa po don pinapatakbo ng babae. So, I think at that time, importante na rin po yung role ng isang babae, kaya gumawa po kami ng parang composite lang nung characteristics nung period na yon kaya ginawa po namin yung fictional character ni Donya Atang,” lahad niya kung paano nabuo ang character ng bida sa pelikula.

Casting coup din na maituturing ang pelikula dahil bukod sa veteran actress ay kasama rin sa Circa sina Jaclyn Jose, Laurice Guillen, Ricky Davao, Gina Alajar, Enchong Dee, Elizabeth Oropesa, Rosanna Roces, Eddie Garcia at marami pang iba.

Samantala, naibahagi rin ng director kung paano niya napili si Enchong sa role bilang filmmaker na apo ng karakter ni Ms. Anita sa movie.

“Nung time na naghahanap po ako ng artista, una, sana hindi ko pa nakatrabaho kasi para lang may iba do’n sa blend. Secondly, yung role kasi ng filmmaker, laki sa Amerika supposed to be pero umuuwi-uwi ng Pilipinas so may ini-entail siyang presence na kailangan ganitong artista yung mai-cast.

“Ikinuwento ko kay Enchong, natatandaan ko nung may pelikula sila nina Direk Laurice (Guillen), yung Sa Yo Lamang, may eksena siya kasama sina Ms. LT (Lorna Tolentino), si Sir Boyet (de Leon), si Coco (Martin), hindi siya naiwan do’n sa eksena. Naalala ko lang yung eksenang yon so tinry ko lang kausapin yung handler niya, sabi ko baka puwede,” detalyadong kuwento niya sa PUSH.