Maymay Entrata, nag-audition sa New York Fashion Week

Matapos ang kanyang unang rampa sa ginanap na Arab Fashion Week, posibleng magbalik si Maymay Entrata sa international runway para naman sa darating na New York Fashion Week.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

9/5/2019 6:15 PM
Maymay Entrata, nag-audition sa New York Fashion Week


Bibida bilang bagong host si Maymay Entrata sa ika-apat na season ng “Puno ng Buhay” kasama si Khalil Ramos.

Mapapanood ang nasabing show, na tumatalakay sa pangangalaga ng kagubatan, sa Knowledge Channel na ngayon ay ginugunita ang kanilang 20th anniversary.

“Ang ganda kasi hindi lang siya para sa showbiz, kundi para ito sa mga bata. Gusto naming ibahagi ‘yung pagpapahalaga ng kalikasan. Habang ginagawa po namin ‘tong proyekto na ito, natututo rin ako,” ani Maymay sa sideline ng 20th anniversary press launch ng Knowledge Channel na ginanap nitong Miyerkules sa Le Reve Pool and Events Venue sa Quezon City.

Bukod kay Maymay, tampok din ang kapwa Kapamilya star na si Enchong Dee sa bagong season ng “AgriCOOLture” na sisiyasatin naman ang malaking potensiyal ng agrikultura.

Ayon kay Enchong: “Masaya kasi para kaming nagtatanim ng seeds sa kaalaman at utak ng mga bata na I’m sure dadalhin nila kapag napanood nila ‘yung show ni Maymay, show namin. We’re going to be part of their growing up years… At ang kagandahan kasi sa shows na binigay sa amin, hindi lang kami hosts. Natututo rin kami kasabay nung mga tinuturuan namin. ‘Yun ‘yung pinaka-jackpot doon.”

Sa usaping edukasyon, ibinahagi ni Maymay na balak niyang ituloy ang kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng online school.

“Inaayos pa rin po ‘yung online school ko, kasi ‘yung course ko po, doon lang naka-base sa province namin,” ani Maymay na nag-aral sa Mindanao University of Science and Technology sa Cagayan de Oro City bago sumabak sa showbiz. ”Ayaw ko naman na ice-credit ko lang siya rito tapos babalik na naman ako sa first year college. Third year college na po kasi ako roon. Sabi nila, ako ‘yung magiging kauna-unahang estudyante na mago-online school so inaayos pa rin nila. Hopefully, ngayong sem na po.”

Ipinaliwanag naman ni Maymay kung gaano kaimportante para sa kanya ang edukasyon.

“’Yun ‘yung hindi nakukuha ng kahit sino man at dala dala mo ‘yun hanggang sa pagtanda mo. ‘Yun ‘yung hindi nabibili, ‘yung mga natutunan mo, ‘yung experience. Kaya napaka-importante po ng edukasyon,” ayon sa “Hello, Love, Goodbye” actress na sa kasalukuyan ay may pinapaaral na tatlong kamag-anak.  

Sa tanong kung okay lang sa kanya na mauna silang makapagtapos, sagot ni Maymay: “Oo naman po. Andiyan lang naman po ‘yung paga-aral, eh. Wala naman po sa edad ‘yun. So, kung gusto kong mag-aral, maga-aral po ako.”

Bukod sa “Puno ng Buhay” ay abala ngayon si Maymay sa paghahanda para sa kanilang unang major concert ng on-screen partner na si Edward Barber na gaganapin sa Setyembre 27. Kamakailan, nag-audition din ang 22-year-old star para sa prestehiyosong New York Fashion Week 2020.

“’Yung designer pa rin po [ay] si Miss Furne One. Bale parang, pinost lang ‘yung [audition] ko online,” ani Maymay.

Matatandaang dati nang naging muse ng nasabing designer si Maymay sa ginanap na Arab Fashion Week noong 2018. Ang nasabing fashion event ang kauna-unahang beses na rumampa internationally ang former “Pinoy Big Brother” champion bilang isang ganap na modelo.

“Kung tanggap ako, eh ‘di tanggap. Pero kung… aalamin po natin… ‘Pag nalaman ko [naman] ay agad kong ipo-post,” pangako naman ni Maymay.