• Home
  • Fresh Scoops
  • Alden Richards, madaming realizations pagkatapos ng ‘Hello, Love. Goodbye’

Alden Richards, madaming realizations pagkatapos ng ‘Hello, Love. Goodbye’

Kung sakali magkaroon ng part 2, usapan daw Nina Alden Richards, Kathryn Bernardo, at Cathy Garcia Molina na ang mga nasa part 1 ay dapat kasama pa rin

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/4/2019 11:57 AM
Alden Richards, madaming realizations pagkatapos ng ‘Hello, Love. Goodbye’


Photo credit: @aldenrichards02 on Instagram

Nagbigay ng reaksyon si Alden Richards tungkol sa posibilidad na magkaroon ng part 2 or sequel ang pelikulang Hello, Love, Goodbye na first team-up nila ni Kathryn Bernardo sa Star Cinema.

Ang Hello, Love, Goodbye na idinirek ni Cathy Garcia-Molina ang itinuturing ngayon na highest-grossing Filipino film of all time. Kumita na ang pelikula ng P880,603,490 na posible pang madagdagan sa mga susunod na araw.

Nakausap ng PUSH si Alden sa special presscon ng ipinatawag ng kanyang home network para sa aktor.

“Sa Hello, Love, Goodbye na part 2 po, lahat naman po gustong gawin, pero mahaba pa pong proseso yon. Marami pa pong negotiations na kailangang pagdaanan,” pahayag ng aktor.

Dugtong ni Alden, “Kasi, sa ngayon po talaga nando’n po kami sa magpapahinga po muna si Direk Cathy sa directing. And ang naging agreement po naming tatlo—ako, si Direk Cathy and si Kath—na kung magkakaroon man po ng part 2 kailangan po kung sino yung mga taong kasama namin nung part 1 kami pa rin po lahat, para mas alam, kasi kami po yung nandun (sa simula).

“Kumbaga, mas kabisado po ni Direk Cathy kung ano po yung dapat gawin sa susunod na part kung meron man po at kung payagan man po.”

Naikuwento rin ni Alden na bago pa man niya gawin ang pelikula with Kathryn Bernardo ay naramdam niya na something big is going to happen. Dahil sa Hello, Love, Goodbye, sigurado na si Alden pagiging Box-Office King next year at si Kathryn naman ang Box-Office Queen.

“May mga times po kasi na halos ayaw ko na, pero marami talagang nagpu-push sa akin na, ‘Hindi, meron at meron pa yan. Meron pang darating sa ‘yo na bigger than you were expecting,” pagtatapat ng binata.

“Siguro, yon din po yung naibibigay sa akin na comfort pag kinakausap ko po si Lord, na minsan parang, ‘Lord, parang ayoko na, kasi feeling ko hindi na ako dapat nandito.’ Pero meron po lagi kasi akong nararamdaman na parang something big will happen.

“Ganito na po akong makiramdam noon way back pa and bago po mangyari itong pelikula. Yon din po siguro yung isa sa pinanghahawakan ko kasi very passionate po ako sa trabaho ko. Alam po ng mga taong nakakasama ko yan on and off cam, na mahal na mahal ko po ang trabaho ko, as in ito po yung hindi lang bumubuhay sa akin sa material but bumubuhay sa pagkatao ko as a person.

“And sa ngayon po, hindi ko po nakikita yung sarili ko na gumagawa ng ibang bagay than umarte po sa harap ng kamera,” tuluy-tuloy pa niyang kuwento.

Ano ba ang naging realization niya pagkatapos ng success ng Hello, Love, Goodbye?

“Yung realization ko po after doing Hello, Love, Goodbye ay napakarami. Na all the more there’s collaboration kahit sa magkalabang network pag binigyan ng pagkakataon nagbubunga po ng something beautiful.

“And parang hindi po kailangan na talagang you’re in the real relationship para mag-work po ang isang proyekto kasi napakaimportante po ng laman, yung content po ng project. It doesn’t matter kung pelikula o teleserye, basta maganda yung mensahe na gusto nating iparating sa mga manonood,” pagbabahagi ni Alden.

Inamin din niya na isang malaking risk ang pagtanggap niya sa naturang project kaya laking pasasalamat niya na tinangkilik ito ng publiko.

“Kasi basically, yung Hello, Love, Goodbye, nag-exceed po yung expectations po namin sa pelikulang ito, eh. Lahat po kami takot before doing it, and kahit po natapos na yung syuting is natakot po kami kung paano ito tatanggapin ng tao.

“And then, kagaya nga po ng sinasabi ng marami, milagro po yung nangyari sa Hello, Love, Goodbye na umabot siya sa ganito, na ganito po siya tinanggap ng tao na sobra nilang na-appreciate,” huling pahayag ng aktor.