Isang mahabang liham ang ipinarating ni Ice Seguerra sa Philippine Airlines (PAL) nitong Huwebes patungkol sa kanilang kontrobersiyal na polisiya na nagbabawal sa mga musical instruments bilang carry-on luggage.
Ito, matapos na umalma ang Orchestral conductor na si Gerard Salonga at iba pang kapwa nila musicians laban sa pagrestrikto ng airline na gawing carry-on ang kanilang mga instrumento kahit pa di umano ligtas at kasya naman ito sa overhead space.
Sa Instagram, ipinaliwanag ng ‘Pagdating Ng Panahon’ hitmaker na kaya doble ingat ang mga musikerong tulad niya pagdating sa kanilang instrumento ay dahil bukod sa hindi biro ang presyo nito, isa ito sa pinagkukunan ng pangkabuhayan nila.
Dagdag niya, “Nangyari na po sa akin na mayroon akong gig sa isang island near Cebu. I checked in my instrument kasi nga policy ninyo na bawal sa dalhin sa loob ng cabin. Pagkarating sa Cebu, lahat ng gamit ng mga pasahero lumabas na, wala pa rin yung gitara ko. I asked the boys na nag baba ng gamit and they told me na walang gitara.
“Siyempre na praning ako. Paano ako kakanta? Anong gagamitin ko? Borrowing somebody else's guitar is totally unacceptable. And from Cebu, kailangan pa namin mag ferry para marating yung location. And ang mas lalong nakakapraning, NASAAN YUNG GITARA KO??? Saan lupalop ng Pilipinas napunta. Nung pinatrack namin, ayun, napunta sa Davao yung gitara. My guitar made it to our location just in time for my solo set. Minsan, lalabas sa conveyor na cracked yung guitar case. Marami na rin akong kilalang nabasagan na talaga ng gitara.”
Ayon kay Ice, ilan lang ito sa mga “horror stories” na pinagdadaanan at kinatatakutan ng mga katulad niyang musikero sa tuwing sasakay sila ng PAL.
Patuloy niya, “Hindi po biro ang pag aalala namin sa tuwing mag check in kami ng instrumento because you guys always make us sign the waiver na pag may nangyaring hindi maganda sa instrumento namin, labas kayo diyan. Sinubukan ko dating hindi pirmahan, pero kung hindi pipirmahan, hindi ninyo totally isasakay.
“Sumasakay po kami sa PAL because iba pa rin ang serbisyo ninyo. Except for this. And I honestly don't understand your reasons. For safety? Sa liit ng cabin, ang hirap iwasiwas ng gitara. Space? Kasya po yung mga gitara namin sa overhead o kaya sa coat rack. Lalo na yung mga violin.”
Sa kanyang huling mensahe, hiling ni Ice na kung maaari ay makapag-dayalogo ang mga kapwa niya musicians at ang policy team ng PAL upang makalikha ng bagong polisiya na magiging patas sa lahat.