• Home
  • Fresh Scoops
  • PANOORIN: Tawag ng Tanghalan finalist Violeta Bayawa at asawa nito, nagsama muli matapos ang 47 taon

PANOORIN: Tawag ng Tanghalan finalist Violeta Bayawa at asawa nito, nagsama muli matapos ang 47 taon

Bumaha ang luha sa nakaraang episode ng It's Showtime matapos ang emosyonal na muling pagkikita ng Tawag ng Tanghalan finalist na si Violeta Bayawa at asawa nito makalipas ang mahigit 47 taon.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

9/25/2019 10:45 AM
PANOORIN: Tawag ng Tanghalan finalist Violeta Bayawa at asawa nito, nagsama muli matapos ang 47 taon


Bumaha ang luha sa nakaraang episode ng It's Showtime matapos ang emosyonal na muling pagkikita ng Tawag ng Tanghalan finalist na si Violeta Bayawa at asawa nito makalipas ang mahigit 47 taon. 

Bago nito, ilang beses nang napaluha ni Violeta ang hosts at judges ng nasabing show dahil sa maramdaming performances nito -- kabilang na ang OPM classics na Kailangan Kita at Saan Ka Man Naroroon -- na alay niya para sa asawang si "Ga", o Zacharias Bayawa.

Kwento ng singer, mahigit apat na dekada na ang nakalipas nang iwan siya ni Zacharias upang lumipad pa-Amerika habang ipinagbubuntis niya ang kanilang anak na si Jennifer.

May plano umano ang mag-asawa na susunod si Violeta at Jennifer pa-ibang bansa, ngunit laking gulat na lamang ng singer nang biglang hindi na nagparamdam sa kanya si Zacharias. 'Di kalaunan ay nalaman na lang niya na may ibang asawa na pala ito sa Amerika.

“Noong umpisa, hindi ko matanggap na ganoon ang nangyari, kasi unang-una pinangakuan niya ako na kukunin niya ako, tapos hindi pala,” ani Violeta sa kanyang guesting sa "Magandang Buhay" nitong Agosto.

“Wala na akong magagawa, kaya tanggap ko na rin na ganoon ang suwerte ng pag-aasawa naming dalawa. Kaya namuhay na lang ako mag-isa, kasama ang aking anak,” dagdag pa niya.

Bago ang kanyang performance sa Tawag ng Tanghalan nitong Martes, isang maramdaming pre-performance reel ang nagpa-iyak sa audience kung saan mapapanood ang naging reunion nina Violeta, Zacharias, at Jennifer bilang isang pamilya.

“Nahiwalay siya sa akin for such a long time,” kwento ni Zacharias sa It's Showtime matapos ang performance ni Violeta. “Sumulat ako sa kaniya ng liham, papunta rito. Tumulo ang aking luha, dahil sa na-mi-miss ko ang panahon na kami’y nagsama.”

“Malayong-malayo, pero nandito na ako, Ga,” aniya.

Pinasalamatan naman ni Zacharias ang Tawag ng Tanghalan dahil kung hindi raw dahil sa palabas ay "hindi ko mami-meet itong aking pamilya na iniwanan ko for such a long time, for 47 years.”

Ayon naman kay Violeta, “Kung hindi po sa Tawag ng Tanghalan, hindi po kami nagkita. Salamat sa Diyos! Ngayon ay nadarama ko na po, na ako’y panalo.”

Sa ngayon ay may pag-asa pa rin si Violeta na masungkit ang grand champion title matapos na makapasok sa top 10. 

Samantala, dalawang finalists ang na-eliminate nitong Martes -- sina Ranillo Enriquez at Charizze Arnigo -- habang ang contenders na sina Kim Nemenzo at Elaine Duran ang nakatanggap ng pinakamataas na score mula sa judges at public votes at matagumpay na nakakuha ng nakapasok sa Top 6.