• Home
  • Fresh Scoops
  • SB19, muntikang mabuwag bago pa man mag-umpisa bilang pop group

SB19, muntikang mabuwag bago pa man mag-umpisa bilang pop group

SB19, madaming pinagdaanan bago narrating ang popularidad nila ngayon.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/17/2019 12:12 PM
SB19, muntikang mabuwag bago pa man mag-umpisa bilang pop group


Photo credit: @officialsb19 IG

Unti-unti nang napapansin ang Pinoy Pop group na SB19 dahil sa husay nila sa pagsasayaw at pagkanta. Madalas na mag-trending ang kanilang music video sa social at media at recently lang ay nag-guest pa sila sa ASAP para i-promote ang kanilang latest song na “Go Up.”

Ayon sa kanila, sa apat na taon ng kanilang K-pop training ay marami na rin silang pinagdaanan. Muntik na rin daw silang mabuwag noon.

“Actually, do’n sa span of four years na training namin marami na po talaga kaming pinagdaanan. Hindi n’yo po mai-imagine yung ibang pinagdaanan namin. Nandiyan na po lahat ng family problem, financial problem, kahit po yung mga school problems.

“Kahit nga po alitan sa grupo, nagkaroon na rin kami. Ilang beses na rin po kaming muntik nang mabuwag before pa po kami mag-release ng kanta. Pero nando’n na lang din po kasi yung pagmamahal namin sa grupo at yung passion namin. At nag-uusap din po kami nang masinsinan talaga kapag may matinding po kaming problema,” pagtatapat ni Josh, isa sa miyembro ng SB19.

Tina-try din daw nila na maging open sa isa’t isa at sabihin kung ano ang kanilang nararamdaman sa mga kagrupo.

“Bihira po kasi yung parang open forum sa lalaki, pero kami po, tina-try po naming i-practice na for the sake of every member, at least, sabihin po namin na, ‘Ah, ito mali yan, itama natin yan. Yung attitude mo na ito, baguhin natin yan.’ Ipinapaliwanag po namin sa isa’t isa kung ano yung tama at mali,” dagdag ni Josh.

Reaksyon naman ni Sejun, “Bukod po sa sinabi ni Josh, sa passion and everything, kaya po namin sinimulan itong ginagawa namin ngayon kasi po masaya po kami. Unang-una sa lahat yon po yung pinakamahalaga – masaya po kami na ginagawa naming mag-perform on stage. Masaya kami na nakakapagpasaya ng mga tao. Masaya kami na magkakasama kami.

 

“If ever man na mabuwag kami, siguro ipagpapatuloy pa rin namin yung path na ganito, na kahit nagtatrabaho kami magpe-perform pa rin kami onstage kasi yon talaga ang gusto ng puso namin. Don kami masaya at feeling ko, habang buhay at habang nabubuha kami, magpe-perform kami kung may opportunity na binibigay sa amin.”

 

Hindi na ba sila namomroblema ngayon sa pera?

“Siyempre po may problema sa pera,” biglang sagot ni Josh. “Pero alam naman po natin na hindi naman po yon yung reason kung bakit tayo titigil sa pangarap natin.

“Hindi naman po porke’t wala tayong pera, eh, hindi na tayo makakagawa ng paraan. Pag may gusto may paraan, pag ayaw may dahilan,” pahayag pa niya.

Magkakaiba ang itsura ang personalidad ng miyembrong SB19. Pero kapansin-pansin na angat ang kaguwapuhan ni Justin sa lahat sa kanila. Ano ang reaksyon nila kapag sinasabing si Justin ang lumalabas na frontrunner at magdadala sa grupo?

“It’s an edge for us kasi ang success ng isa sa amin ay success na rin po ng buong grupo. So, more exposure for Justin, more exposure for us.

“Kung mas makikilala po siya, mas makikilala din kami. Wala pong inggitan sa amin,” paliwanag ulit ni Josh.

Reaksyon naman ni Justin, “Kaya po rin kami grupo kasi kailangan po naming i-cover up yung pagkukulang o weaknesses ng isa’t isa. Si Stell po, main vocal po siya, kaya niya pong i-cover yung weaknesses ng iba tulad ko po, hindi po ako masyadong magaling kumanta.

“Kumbaga, meron po kaming roles, nagtutulungan po kami para ma-improve ang isa’t isa.”

Bukod kina Josh, Justin and Sejun, member din ng SB19 sina Ken at Stell.