Kim Molina, sobra ang kaba sa first launching movie niya

First time magbida sa isang full-length film ang aktres na si Kim Molina.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/16/2019 10:36 AM
Kim Molina, sobra ang kaba sa first launching movie niya


May launching movie na sa Viva Films ang singer-actress na si Kim Molina. Siya ang bibida sa sex comedy film na titled Jowable na sinulat at idinirek ni Darryl Yap na ipapalabas na sa mga sinehan on September 25.

“Siyempre, sobrang overwhelmed po ako sa lahat. This year po kasi, roller coaster of blessings, from Kadenang Ginto, The General’s Daughter, tapos Momol Nights and then this, sobrang thankful ko po sa  lahat  po ng nagtitiwala sa akin – from my ABS-CBN family, my Dreamscape family,  my Viva family,” reaksyon ni Kim sa sunud-sunod na blessings na dumarating sa kanyang career ngayon.

“Sobrang saya ko but at the same time, siyempre nakakakaba po dahil sabay-sabay po nila na ipinagkakatiwala po sa akin ang magagandang materyal. Sana naman po ay mabigyan ko ng justice,” dagdag pa niya.

Aminado si Kim na hindi maiwasang kabahan siya lalo pa nga at sa kanya nakadepende ang kalalabasan sa takilya ng Jowable.

Pagtatapat ng akres, “Honestly speaking sobra po yung kaba ko. Kasi kumbaga, nung una ko po kasi na movie, na isa po ako sa main cast, yung Camp Sawi, pero hindi po ganun kakaba kasi apat na nagggandahang at sikat na mga artista ang kasama ko.

“Pag kinakabahan po ako nung time na yon puwede po akong pumunta sa likod ni Bela (Padilla), o kaya tumatago ko sa likod ni Arci (Munoz), o kaya ni Andi (Eigenmann) o kaya po likod ni Yassi (Pressman), pero this time around po kasi ako lang yung… So, parang sobra po yung kaba sa akin.

“Buti na lang din po kasama ko yung mga kaibigan kong sobrang gagaling din pos a pag-arte at sa kanilang artistry, so grabe lang po yung nararamdaman ko. Actually, sa daldal ko pong ito bigla akong naging speechless,” sambit pa niya.

Na-imagine ba niya na magiging bida siya sa pelikula nang ikontrata siya ng Viva?

“Honestly po, hindi,” sagot agad ni Kim. “Ako po kasi, TFC girl po ako. Kumbaga, nakikita ko na lahat ng mga teleserye bata pa lang ako at alam kong sobrang gaganda nila. Tinanggap ko na sa sarili ko na hindi naman ako ganun (kaganda), hindi pambida.

“I wanted to sing, nai-mold po ako ng tatay ko na maging singer. Thru music ko po naise-share ang talento ko.Hindi ko po in-expect na magpepelikula  ako. Na magiging artista po ako. Hindi ko po talaga in-expect.

“Kumbaga, sa Rak of Aegis din po kasi nagkasabay pareho, na umarte at saka po kumanta. Tapos don din po nila nakita na kaya ko pala. Do’n na rin po na-hone yung talent ko po dito na minahal ko na rin ngayon, na in-embrace ko na rin.

“Ngayon po kasi, kumbaga naniniwala po ako na kung desidido ka sa ginagawa mo at saka kung sa tingin mo ay kaya mo namang gawin at kung napapalibutan ka ng mga taong hindi maramot mag-share ng kung anong alam nila, matututo at matututo ka,” paliwanag ni Kim.

Meanwhile, kasama ni Kim sa Jowable ang kanyang real life boyfriend na si Jerald Napoles, pati na rin sina Cacai Cortez, Kakai Bautista, Chad Kinis at Candy Pangilinan.