Kylie Padilla, nagbigay update sa kanyang pagbubuntis

Pananabik din ang nararamdaman ni Aljur Abrenica sa panibagong miyembro ng kanilang pamilya.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

9/15/2019 6:21 PM
Kylie Padilla, nagbigay update sa kanyang pagbubuntis


Isa sa mga rumampa sa naganap na 2019 ABS-CBN Ball ang mag-asawang Aljur Abrenica at Kylie Padilla, na anim na buwang buntis ngayon.

Nagdadalang tao man, hindi naawat si Kylie na samahan ang kanyang mister na si Aljur para sa taunang Kapamilya gathering.

Dito, ikinuwento  ni Kylie ang kanyang experience sa ikalawang pagbubuntis.

“Yes, parating na six-months na ako. Malapit na, December ako manganganak,” aniya.

Si Aljur naman, pananabik ang nararamdaman para sa paparating na bagong miyembro ng kanilang pamilya.

“Hindi ko alam e’ (excitement) pero alam ko masarap kasi darating na ang anak ko. So kung pangalawa ‘to, mas masarap sa pakiramdam,” tugon ng aktor.

At kung tatanungin kung ilang anak ang kanilang plano, sagot na pabiro ni Aljur, “Anim!”

“Siya ‘yun, sabihin ko tatlo lang sana eh, pero okay na kami sa dalawa. Pero kung may darating pa na isa, okay lang pero sana babae,” sagot naman ni Kylie. 

Ikinasal noong 2018 sina Aljur at Kylie at sa ngayon ay may isang anak, si Alas.

Bukod sa bagong miyembro ng pamilya, extra special din ang kanilang taon kasunod ng nalalapit na pagsisimula ng balik-telebisyon ni Aljur sa Sandugo kung saan makakasama niya si Ejay Falcon.

“Mas excited pa nga ako sa kanya eh,” natatawang kwento ni Kylie.

“Sobrang excited, sobrang thankful sa binigay ng ABS-CBN and Dreamscape, pangarap namin ni Ejay (Falcon) ‘to e, dati pinag-uusapan namin, first time ‘to for me, so excited sa journey,” pahayag ni Aljur.