• Home
  • Fresh Scoops
  • Ricky Reyes, ipinaliwanag kung bakit tutol siya sa SOGIE bill

Ricky Reyes, ipinaliwanag kung bakit tutol siya sa SOGIE bill

Masaya na si Ricky Reyes sa kanyang 40-plus years relationship at walang balak magpakasal.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/12/2019 11:06 AM
Ricky Reyes, ipinaliwanag kung bakit tutol siya sa SOGIE bill


Trending at pinag-uusapan ang interbyu ng mga kasamahan namin sa Philippine Movie Press Club (PMPC) at ang inupload na video ng colleague na si Timmy Basil tungkol sa reaksyon ng gay icon and entrepreneur na si Ricky Reyes sa pinag-uusapang isyu ngayon sa LGBTQ+ community at sa isinusulong na SOGIE (Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality) bill.

Ayon kay Mother Ricky, dapat ay alam ng mga bading kung saan sila dapat lulugar lalo na sa paggamit ng comfort room.

“Kung ikaw ay may nota sa lalake ka, pag may kipay ka sa babae ka. Nirerespeto kita bilang tao, nirerespeto kita bilang bading, pero lumugar tayo sa tamang lugar,” deklara niya.

Iginiit din niya na dapat ay alam ng mga bading ang mga lugar kung saan sila ay welcome at hindi pinagtatawanan.

“Dun lang tayo sa tamang lugar, kasi meron naman tayong gay community. Ba’t tayo pupunta ng bar at ipagpipilitan mong girl ka, eh, may bar naman para sa mga bading di ba?

“Dun ka sa lugar natin. Wag mo ipagsaksakan ang sarili mo sa hindi ka naman matatanggap,” diin pa niya.

“Basta ang bakla ay bakla. Ang bakla maski anong gawin niyo, isulat niyo ‘yan, ang bakla ay bakla. Ang bakla, gilingin mo man ‘yan, ang labas niyan baklang hamburger,” hirit pa niya.

Matatandaang muling umingay ang issue ng gender equality nang pagbawalan ng isang security guard si Gretchen Diez na pumasok sa comfort room ng mga babae sa isang mall sa Quezon City.

“Ako this year, lahat ng LGBT nilikom ko sila lahat. Sabi ko, tigilan na yang kabaklaan. Wag na kayong magbestida sa kalye kasi lalo tayong pagtatawanan ng tao. Dapat tumulong tayo sa kapwa para mahalin tayo ng mga tao.

“Ang lagi kong sinasabi, ang bakla walang makakaintindi kundi kapwa bakla lang din. At ang affair ng mga bakla dapat sa atin lang yan, wag na natin ipangalandakan sa tao. Bat natin kailangan sabihin sa tao na, ‘Uy, intindihin mo nga ako bakla ako.’ Teka muna,” paliwanag niya.

Samantala, aminado si Mother Ricky na marami ang kumukumbinse sa kanya na maging representasyon ng mga bading sa gobyerno pero wala daw siyang interes dito.

“What for? Para ano? Ilang presidente na ang natulungan ko, pang anim na si Presidente Duterte, bakit kailangan ko pang mag-LGBT?” rason pa niya.

Maging sa usapan ng same sex marriage ay nagbigay din ng reaksyon si Mother Ricky.

“Ang kasal ay para lamang sa lalake at sa babae. Merong kasabihan sa Catholicism na sacrilege, pambabastos sa relihiyon. ‘Wag na. Ang pagpapakasal ibigay natin sa babae at sa lalake ‘yan, ‘di ba, kung gusto niyo ng union e ‘di mag-union kayo.

“Bakit ako, I’m in a relationship for 40 plus years, pero we don’t go out of our way to say, ‘Kailangan namin magpakasal,’ no more. May kasabihan tayo, you never never rock the boat if it’s not broken, pag maayos siya, go lang. Ba’t kailangan ipagsaksakan kung hindi naman magulo? Pinagugulo mo lang ang mundo,” sabi pa niya.