• Home
  • Fresh Scoops
  • Rufa Mae Quinto, tapos na ang mga pagwo-worry niya sa kanyang showbiz career

Rufa Mae Quinto, tapos na ang mga pagwo-worry niya sa kanyang showbiz career

Kasama si Rufa Mae Quinto sa bagong pelikulang ‘And Ai Thank You.’

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

8/9/2019 12:03 PM
Rufa Mae Quinto, tapos na ang mga pagwo-worry niya sa kanyang showbiz career


Photo Credit: @rufamaequinto on IG

Inamin ng comedy actress na si Rufa Mae Quinto na tapos na ang mga pagwo-worry niya about her showbiz career dahil alam niya na kung saan ang lugar niya ngayon sa industriya.

“Dati lagi akong nagwo-worry nung bagets-bagets pa ako kahit wala namang dapat ika-worry. Laging gusto ko may ginagawa, eh, may movie, may ano.

“Pero dumating na ako sa point na hindi kailangang pilitin kung hindi talaga para sa ‘yo. Kaya di ba, producer din ako. Kasi parang pag na-iinip ako, okey another project, tuluy-tuloy lang.

“Hanggang sa na-realize ko na hindi pala ganun ang buhay. Minsan huwag mong ipilit kung hindi para sa ‘yo. May timing din ang lahat. Tsaka siyempre, yon nga, kailangan kong magkapamilya and everything,” simulang pahayag ni Rufa Mae sa PUSH.

Si Rufa Mae ay kasama sa cast ng pelikulang And Ai Thank You ng Reality Entertainment at Horseshoe Studios na idinirek ni Joven Tan.

Sa pelikula ay gagampanan ni Rufa Mae ang role ng isang rising star na eventually ay magiging karibal ni Ai-Ai delas Alas sa kasikatan.

Isa lang daw ang goal noon ni Rufa Mae kung bakit siya nag-artista at ito ay ang kumita ng pera.

Aniya, “Nung artista na ako, hindi ako feeling (sikat), kaya nga sumu-support ako, eh, kasi hindi naman ako nag-artista para maging superstar sa pelikula. Gusto ko pong kumita ng pera. Yon talaga, kasi di ba, breadwinner, marami akong pangarap, gustong bilhin at para matulungan ko ang pamilya ko kaya ako nag-artista.”

Hirit pa ng komedyana, “Kaya lang, nung sumisikat na nga, siyempre, na-appreciate ko naman yung pagmamahal sa akin ng tao, yung mga movies ko na nag-box-office. So, parang ginalingan ko na lang, kumbaga in-enjoy ko na rin.

“And siyempre, itotodo ko na, hirap naman na  nag-aartista ka tapos lagi kang olats (talo) lang di ba, yung lagi kang parang ham actress na lang, so parang ganun, kaya biglang tumodo rin yung career ko.”

Ayon pa kay Rufa Mae, hindi na niya ini-expect pa na makakabalik siya sa showbiz pagkatapos niyang mag-asawa.

“Kasi akala ko nung nag-asawa ako, kala ko talaga hindi na ako makakabalik kasi ang laki ko na. Tapos parang pina-feel din naman sa akin nung ibang tao na tumatanda na ako,” pagre-recall.

Hanggang maisip niya raw si Ai-Ai na at 40 ay lalo pang sumikat nang gawin nito ang Ang Tanging Ina.

“Naisip ko nga ikaw (Ai-Ai), sabi ko, eh, bakit ganun, bakit siya nag-Tanging Ina 40 years old na siya, sumikat pa siya lalo. In fairness, hindi ko nakalimutan yon. Pero hindi ko naman sinabi na magiging ganun din ako,” sabay tawa ni Peachy (palayaw ng aktres).

Ipinagpapasalamat naman ni Rufa Mae na isa ang husband niya sa nag-encourage sa kanya na bumalik sa pag-arte.

Showing na ang And Ai Thank You sa mga sinehan sa August 14.