• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Ejay Falcon, ikinuwento kung ano ang natutunan niya sa relasyon nila ni Jana Roxas

EXCLUSIVE: Ejay Falcon, ikinuwento kung ano ang natutunan niya sa relasyon nila ni Jana Roxas

Si Jana Roxas na ang pinakamatagal na nakarelasyon ni Ejay Falcon.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

8/4/2019 10:38 AM
EXCLUSIVE: Ejay Falcon, ikinuwento kung ano ang natutunan niya sa relasyon nila ni Jana Roxas


Photo credit: @ejaythefalcon IG

“Okey naman. Masaya. Steady lang. Nakikita naman nila.”

Ito ang sagot ni Ejay Falcon nang kumustahin namin ang relasyon nila ng girlfriend na si Jana Roxas na nasa pangatlong taon na ngayon.

“Actually, birthday nga niya sa August 22, eh, wala ako may taping, kaya magdya-Japan kami sa August 29. Yon na lang yung birthday gift ko sa kanya,” balita pa niya sa amin.

Si Jana ang so far ay pinakamatagal na naging karelasyon ni Ejay.

“Siya ang pinakatumagal,” natatawa niyang sabi. “Yung three years matagal yon, matagal na yon para sa akin. Kasi dati, eight months.

“Siguro ang sikreto ng relasyon namin kaya tumagal ay pareho naming iniintindi ang isa’t isa. Madami rin kaming mga napapagkasunduan, para kaming match made in heaven.

“Kasi ano, eh, yung mga kahinaan ko don siya malakas. Siya yung nagre-remind sa akin na dapat ganito, ganyan. Kaya talagang nagsuswak kami,” pagmamalaki ng aktor.

Maging sa tamang paghawak ng pera ay marami rin daw siyang natututunan.

“Magaling talaga sa ganyan si Jana, eh. Kasi ako, dumating sa point na hindi ako marunong humawak (ng pera), eh. Hindi talaga ako marunong, puro palabas lahat. Kaya thankful ako na may ganun siya sa akin.

“Tinuturuan niya rin akong mag-budget. ‘Bilhin mo itong ganito, huwag yan. Kesa bilhin mo yan, maging praktikal ka, na worth it naman. Kesa kunin mo yan, eto na lang ang kunin mo.’ Mga ganung mga bagay. Na nung na-realize ko, tama nga naman,” lahad ng aktor.

Eh, how about sa decision making, malaki rin ba ang impluwensiya sa kanya ng girlfriend?

“Kasi ako, impulsive ako, eh. Mabilis akong magdesisyon. May mga ano ako na, ‘hindi, kailangan ko ng gawin.’ Pero ngayon, hindi na, nakokontrol niya ako. Yon yung mga katangian ko dati na talagang nalampasan ko. Mga bad na katangian,” dagdag niya.

Ibinahagi rin ng aktor na kahit ang pagseselos nila sa isa’t isa ay na-out grow na rin nila.

“Alam niya naman kung saan yung lugar niya sa sarili ko. Pero siyempre babae, alam niya kung kelan siya, na ‘parang may mali ah,’ yung mga ganun, so napapag-usapan naman namin.

“Siyempre, pag alam mong may mali na, huwag mo nang gagawin, ganun lang yon,” lahad pa ng aktor na isa sa mga bida sa pinakabagong teleserye ng ABS-CBN na Sandugo.