• Home
  • Fresh Scoops
  • Andrea Brillantes, hindi pinagsisisihan ang pagiging child star

Andrea Brillantes, hindi pinagsisisihan ang pagiging child star

Sinabi ng ‘The Ghosting’ lead star na si Andrea Brillantes na masaya naman ang kanyang naging kabataan kahit na nagtrabaho na siya bilang artista sa murang edad.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

8/26/2019 10:09 AM
Andrea Brillantes, hindi pinagsisisihan ang pagiging child star


Bukod sa hit afternoon series na Kadenang Ginto ng ABS-CBN ay may pelikula ring ipapalabas si Andrea Brillantes. Siya ang bida kasama si Khalil Ramos sa horror film ng Reality Entertainment na The Ghosting, na showing on August 28.

Magkaibang experience para kay Andrea ang gumawa ng horror film at mag-drama sa teleserye pero pareho raw naman niya itong na-eenjoy. 

“Ang hirap po kasi sa drama, kasi  do’n po maldita ako, parati akong nang-aaway, parati akong nananabunot, naninigaw. Pero dito  sa horror palagi rin akong sumisigaw kasi natatakot ako,” pahayag ng dalagita.

“Siguro mas kumportable lang ako ng konti sa drama. Kasi para sa akin mas madali po yung iarte, yung emotions na yon. Kasi kapag horror po, puro takot lang, eh. Eh, ang hirap po kasi sa akin hindi po ako matatakutin.

“Eh, kapag horror po puro takbuhan. Actually, pumayat nga po ako sa movie na ito kasi puro ako takbo. Tapos ang dami ko pong naging pasa sa movie na ito,” patuloy pa niya.

Aminado si Andrea na kung hindi dahil sa Kadenang Ginto ay hindi rin magkakasunud-sunod ang proyektong kanyang ginagawa. Malaking tulong daw sa kanya ang soap opera para mabigyan din ng movie project.

Aniya, “Yes po, gaya po nitong The Ghosting.  Hindi naman po ako maika-cast dito kung hindi nila ako napanood sa Kadenang Ginto.

“Mas madami na pong nakakapanood sa pag-arte ko. And feeling ko po mas nakikita na ng mga tao kung paano ako umarte, mas marami na pong nakaka-appreciate. Sobrang laking tulong po nito Kadenang Ginto sa akin kasi ang dami din pong blessings ang pumasok sa life ko.”

Nai-enjoy pa ba niya ang teenage life ngayong sobrang dami ng kanyang trabaho sa showbiz?

“Nagkaroon naman ako ng life nang hindi pa ako artista, mga 7 years ‘yun. Kasi nag-start ako mag-artisa, mga 7 years old ako.

“Choice ko naman po ‘to. Dati, nagsisisi ako na kasi bata pa ako, ang naiisip ko na pagiging artista, madali lang. Sisikat ka, madami kang fans, mabibili mo lahat ng gusto mo. ‘Yun lang ‘yung naisip ko.

“Pero ngayon, ang dami pa pala. Ang hirap maging artista. Ang dami kong natutunan. Ang dami ko ring pinagdaanan na sobrang hirap. ‘Yun ‘yung hindi ko naisip kaya sana, nasabihan ko ‘yung dating ako,” lahad niya.

Na-enjoy din daw naman niya kahit papaano ang kanyang childhood kaya wala siyang pinagsisisihan kung ngayon ay puro work siya.

“Nagkaroon naman ako ng konting childhood. Nagkaroon ako ng mga moments na naglalaro lang ako sa kalye, bibili lang akong mga street food.

“Then, nag-regular school naman ako. Nag-stop lang akong mag-regular school noong high school ako. Doon po ako nag-home school and ‘eto po ‘yung pinili ko and ‘eto ‘yung ginusto ko talaga. Ito lang din ang alam kong gawin, ito rin ‘yung passion ko, ito rin ‘yung parang hope ko. And masaya naman po ako sa kung ano man ang meron ako ngayon,” wika pa ng young actress.