"Hangga't kaya ko ay lalaban ako bilang padedemom."
Ito ang naging mensahe ng aktres na si Marian Rivera nang muli siyang magpahayag ng suporta sa kanyang personal na adbokasiya bilang ina -- ang pagpapasuso o breastfeeding.
Sa Instagram nitong linggo, nilinaw ng celebrity mom na wala siyang planong ihinto ang pagiging "padedemom" sa bunsong anak na si Ziggy, bagamat sinimulan na niya itong pakainin ng solid food base sa payo ng kanyang pediatrician.
"Batid ko ang kahalagahan ng eksklusibong pagpapasuso mula 0 - 6 months," aniya.
Sa kanyang kasunod na mensahe ay nakiusap si Marian sa mga kapwa niyang ina na tigilan ang panghu-husga sa kanyang pag-complementary feeding o pagpapakain sa sanggol habang patuloy ang breastfeeding.
"Nawa'y sa adbokasiyang ito ay hindi tayo makasakit ng damdamin ng mga kapwa nating ina. Naway's hindi gamitin ang pangalan ko sa mga komento o mensahe na humuhusga sa pagbigay ko ng masustansyang gulay sa aking anak," aniya.
"Kinikilala ko po ang rekomendasyon ng WHO (World Health Organization) patungkol sa complementary feeding. Ito po ang sundin n'yo. Kung meron man akong ginawa na hindi base dito, huwag naman sana itong maging batayan para ako ay mahusgahan. Lahat po tayong ina ay gusto lamang ang 'best' sa kanyang anak," dagdag niya.
Nito lamang Hulyo nang puriin ng kanyang mga kapwa breastfeeding moms si Marian matapos niyang mag-donate ng excess breast milk para sa mga nangangailangan.
Sa post ng aktor na si Dingdong Dantes, tinawag nitong "superwoman" ang kanyang asawa sa pagtulong nito sa mga ina na hindi makapagbigay ng sapat na breastmilk para sa kanilang mga sanggol.
"There are many things I admire about my wife, but one of them that really makes her a superwoman in my eyes is her dedication to breastfeeding," aniya.
"Being a witness to what she went through with Zia, and with what she is providing for Sixto, I know that producing that precious milk is not easy. And because she is blessed with this, I salute her for choosing to donate her excess expressed milk to those who need it the most," dagdag niya.
Sa update ng The Parenting Emporium, na naging daan upang maka-tulong si Marian sa mga sanggol na ngangailangan, ang kanyang donasyong gatas ay ibinigay sa isang premature baby na nagngangalang Mati na noon ay nasa newborn intensive care unit ng isang 'di tinukoy na ospital.