Andrew E, humina ang career noon dahil sa F4 at PBB

Andrew E, 16 years nang huling gumawa ng pelikula

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

8/24/2019 12:09 PM
Andrew E, humina ang career noon dahil sa F4 at PBB


Photo credit: @andrewe_dongalo on Instagram

Ayon sa rapper/actor na si Andrew E, lampas isang dekada na nang huli siyang gumawa ng pelkula. Nung una, inakala niyang 12 years ago lang ito, pero kinorek niya ang press at sinabing 16 years na pala siyang hindi gumagawa ng pelikula.

“Ang tagal na rin, di ba?” reaksyon niya. “Ngayon ako ay nagbabalik,” natatawa niyang hirit.

Mabuti na lang daw kahit wala siyang ginagawang pelikula ay nabigyan siya ng ABS-CBN na lumabas sa teleserye. Napasama si Andrew E noon sa Liza Soberano at Enrique Gil soap na Dolce Amore. Ngayon naman ay regular siyang napapanood sa I Can See Your Voice bilang isa sa mga Sing-Vestigators.

Ayon pa sa komedyante, tumamlay ang kanyang career noon dahil sa pagsulpot at pamamayagpag ng grupong F4 at ang pagkakaroon ng reality show ng ABS-CBN na Pinoy Big Brother o PBB.

Ani Andrew, “Sa totoo lang, simula nu’ng F4 generation, tapos dumating yung Pinoy Big Brother, 2004 ‘yun, doon na ako naniwala na wala na ang ‘Andrew E magic.’

“Pero naniniwala pa rin ako na hindi pa rin nawawala ‘yung talento ko, ‘yung magic lang, the Andrew E magic. In fact, kung ire-revisit mo ‘yung history ng 2004, doon mo mapapansin at ramdam mong hindi na ako visible at mind you, doon ako nag-isip na dahil may pamilya ako, paano na kung wala na itong showbiz generating hanapbuhay, ano ang puwede mong gawin?

“So, from that 2004, doon ako na-in love ulit sa aking dating love. At ang dating love ko ay ang pagiging BSCS ko. Doon ako nag-focus.”

Nag-aral pala si Andrew E ng Computer Science noon kaya lang ay hindi niya raw ito natapos.
“Lingid sa kaalaman ng tao bago ako naging artista, BSCS ako, although hindi ako graduate but BSCS in line at sa Computer ang linya ko. Sabi ko, kailangang gumawa ako ng something for my family in line na hindi na showbiz para naman mag-equate ito pagdating ng araw, at mapakinabangan ko in case magtutuluy-tuloy itong kahinaan ng showbiz.

“Ito ang inabutan n’yo ngayon kasabay nitong bagong movie, Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo,” kuwento niya.

Hindi raw naman niya sinisisi ang ABS-CBN sa paghina ng career niya noon dahil sa PBB at F4 fever.

“Ay hindi. Nagpapasalamat nga ako sa kanila kasi pinagtiwalaan nila ako bilang aktor. Kumbaga, dahil din sa kanila kaya nabuhay ulit ang acting career ko,” sambit pa niya.

Si Andrew E kasama nina Janno Gibbs at Dennis Padilla ang mga bida sa bagong pelikula ng Viva Films na Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo na ipapalabas sa Sept.4 mula sa direksyon ni Al Tantay.

Lahad ng rapper/comedian, “Si Janno po ang nag-bring up ng pangalan namin ni Dennis sa table ni Boss Vic (del Rosario) kaya po natuloy ang pelikulang ito. And at the same time I would like to thank also Viva Films for creating more space for us dahil alam naming masikip na masikip na at every week nagsisimula ng bagong pelikula at nagkaroon pa kami ng space para sa pagbabalik nina Mokong, Astig at Gamol.

“So, boss Vic maraming salamat po.”