• Home
  • Fresh Scoops
  • ABS-CBN, gugunitain ang buhay ni Gina Lopez sa ‘Genuine Love’ dokyu

ABS-CBN, gugunitain ang buhay ni Gina Lopez sa ‘Genuine Love’ dokyu

Kilalanin si Gina Lopez, ang tao sa likod ng misyon ng ABS-CBN Foundation.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

8/22/2019 7:03 PM
ABS-CBN, gugunitain ang buhay ni Gina Lopez sa ‘Genuine Love’ dokyu


Ibabahagi ng ABS-CBN ang kwento ng buhay ni Gina Lopez, kilalang tagapagtanggol ng kalikasan at kabataan, sa dokumentaryong pinamagatang Genuine Love, na mapapanood ngayong Linggo (Agosto 25) ng 10:45 am bago ang ASAP Natin ‘To at ng 9 pm pagkatapos ang The Voice Kids.

Likha ng ABS-CBN DocuCentral, tatalakayin ng Genuine Love ang kabataan ni Gina at ang kanyang ginawang paglisan sa marangyang pamumuhay upang hanapin ang mas malalim na misyon sa mundo.

Matapos magsilbi bilang Ananda Marga missionary nang mahigit 15 taon sa Africa, bumalik siya sa Pilipinas at pinamunuan ang ABS-CBN Foundation na layuning magbigay ng serbisyo publiko. Kabahagi ito ng ABS-CBN, ang pinakamalaking media network sa bansa, na itinatag ng kanyang ama na si Eugenio “Geny” Lopez Jr.

Sa kanyang pangunguna at pagpupursige, nasimulan ang maraming proyektong tumatak sa mga Pilipino tulad ng Educational Television (ETV) na siyang gumawa ng mga programa tulad ng Sineskwela at Hiraya Manawari; Bantay Kalikasan na nangangalaga sa kalikasan tulad ng La Mesa Watershed; at Bantay Bata 163, ang kauna-unahang rescue hotline sa Asya para sa mga batang biktima ng pang-aabuso.

Ang kanyang kampanya kontra sa iligal na pagmimina ang nagsilbing tulay upang siya ay maitalagang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources. Dito siya nakilala ng sambayanan bilang matapang na tagapagtanggol ng kalikasan. 

Matapos ang maikling panahon sa puwesto, hindi nagsayang ng oras si Gina at itinatag ang Investments in Loving Organizations for Village Economies (ILOVE) Foundation, kung saan napagkaisa niya ang mga pribadong kumpanya at mga ahensya ng gobyerno upang magigay ng pinansyal at teknikal na suporta sa mga organisasyong nais magsimula ng mga pagkakakakitaan sa mga komunidad. Pinakita niya ang mga kuwento ng mga komunidad na ito sa kanyang programang G Diaries sa ABS-CBN.

Lubos na nagdadalamhati sa kanyang pagkamatay nitong Lunes (Agosto 19) ang kanyang mga tagasuporta, mga katuwang sa adbokasiya, at mga natulungan, na nagsipagbahagi ng kanilang mga kwento at papuri sa sinseridad, determinasyon, at mabuting puso ni Gina.

Tampok din sa Genuine Love ang mga istorya tungkol sa kanya mula sa kanyang mga mahal sa buhay, kaibigan, at katrabaho na dumalaw sa kanyang burol na ginanap sa ABS-CBN. Mapapanood din sa dokumentaryo ang huling interview kay Gina ng batikang broadcaster na si Tina Monzon-Palma noong Hulyo 12.