• Home
  • Fresh Scoops
  • Vice Ganda, nanawagan na magkaroon ng sariling restroom ang LGBT community

Vice Ganda, nanawagan na magkaroon ng sariling restroom ang LGBT community

Para kay Vice Ganda, sana raw lahat ay magkaroon ng ‘safe space.’

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

8/17/2019 12:56 PM
Vice Ganda, nanawagan na magkaroon ng sariling restroom ang LGBT community


Kamakailan ay naging mainit ang usapin tungkol sa pagkakaroon ng sariling banyo ng mga kabilang sa LGBT community matapos maging viral ang sinapit ni Gretchen Diez, na isang trans woman.

Nang pumila si Gretchen sa banyo na pambabae sa isang mall sa Quezon City ay kinaladkad ito palabas at naposasan pa ng security personnel. Dinala din siya sa malapit na himpilan ng pulis. Mainit naman ang suporta ng mga pro-LGBT politician at celebrities kay Gretchen.

Nagsalita rin tungkol sa isyu si Vice Ganda sa It’s Showtime kahapon, Agosto 16 at sinabing sana ay magkaroon din ang lahat ng safe space. Una niyang tinanong si Anne Curtis kung ano ang saloobin niya tuwing may trans woman na gumagamit ng CR ng kababaihan.

“Wala, okay lang. Babae ‘yung tingin ko sa kanya, kaya okay lang sa akin. Hindi ako natatakot, hindi ako nako-conscious, kasi never papasok sa isip ako na baka silipan ako nito o may gawing masama,” ani Anne.

Aminado si Vice na tutol siya noong una na magkaroon ng sariling CR ang LGBT community ngunit nang makita niya ang sinapit ni Gretchen ay naisip niyang kailangan na nila ng ‘safe space.'

“For as long as marunong tayo rumespeto ng kapwa, hindi magiging isyu kung saan tayo papasok. Pero since isyu siya, parang nag-iisip ako — dapat yata may CR (comfort room) na ‘yung mga LGBT.”

Paliwanag ng host, hindi rin sila komportable kung ang mga kasama nila ay naiilang tuwing nandoon din sila.

“Pag pumasok kami sa CR ng lalaki, ‘yung mga lalaki, hindi komportable. At pag hindi komportable ‘yung lalaki, hindi rin kami komportable. So hindi na lang kami mag-si-CR, o kaya, ‘yung lalaki, hindi na lang papasok dahil may bakla o transgender doon sa CR nila,” ani Vice na sinabing ganoon din kapag nasa restroom sila ng mga babae.

“Kaming LGBT, hindi kami komportable na hindi sila komportable, so isa sa amin mag-a-adjust, hindi na lang papasok. Kung hindi komportable ang isa’t-isa, huwag natin ipilit.

“Bakit hindi niyo na lang bigyan ng sariling CR ang LGBT, para may safe place? If men feel that they are unsafe, if women feel unsafe, and the LGBT community feels unsafe, then create a safe place for everyone.”