• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Sugar Mercado, aminadong trauma ang dahilan kaya ayaw pa ring magka-boyfriend

EXCLUSIVE: Sugar Mercado, aminadong trauma ang dahilan kaya ayaw pa ring magka-boyfriend

Gusto din sana ni Sugar Mercado na maging bahagi ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

8/13/2019 11:02 AM
EXCLUSIVE: Sugar Mercado, aminadong trauma ang dahilan kaya ayaw pa ring magka-boyfriend


Photo credit: @sugarmercado777 IG

Kahit annulled na for almost three years ang former Sexbomb dancer na si Sugar Mercado sa dati niyang asawang si Kristofer Jay Go ay hindi pa rin daw uit siya nagkaka-boyfriend.

Ani Sugar, “Wala, eh. Nakaka-trauma.”

“Oo, na-trauma ang beauty ko. Pero alam mo yon, if may someone na ibibigay akin si God, na mamahalin yung mga anak ko, why not?” dagdag niyang pahayag sa exclusive interview ng PUSH.

Matatandaang kinasuhan noon ni Sugar ang ex-husband dahil sa paulit-ulit na pananakit nito sa kanya. Pero pagkatapos ng lahat ay nauwi rin ito sa amicable settlement.

Eh, bakit ayaw pa niyang magka-love life?

“Ayaw ko pa kasi yung kids ko, kasi nga di ba, parang kulang ako ng oras sa kanila, eh. Meron akong 4 (years old) at 6 don sa ex ko,” dahilan niya.

Kumusta naman sila ng ex-husband?

“Okey naman kami… okey kami. Sobrang dami kong pinagdaanan. Pero dahil sa prayers, saka sa time, naghe-heal yan.

“Ang sakit sobra, pero di ba, si Lord nandyan lang naman, ginagabayan at talaga namang hindi ako pinabayaan, kami ng pamilya ko,” sagot niya sa amin.

Aminado rin si Sugar na malalim ang nilikhang sugat ng mga pinagdaanan niya noon bilang battered wife sa dating mister.

“Oo. Malalim ang sugat,” buntong hininga niya.

“Pero sabi ko nga, hindi ko sinasara yung doors ko… na pupwede ulit akong ma-in love,” hirit pa niya.

Kaya raw naman niyang mabuhay ng walang lalaki.

“Ang babae nakakatiis yan. Totoo. Okey lang, kaya ko kahit wala. Mas malakas ang control ng babae, eh. Basta ang mahalaga sa akin yung mga bata,” sambit pa niya.

May mga nanliligaw ba sa kanya ngayon?

Humahalakhak niyang sagot, “Madami. Hahaha! Charot lang. Meron naman.”

Ano ba ang hinahanap niya sa isang lalaki?

“Ano ba, siguro kapag nakita kong love niya yung mga anak ko, saka ako makakapagdesisyon na, ‘Ah eto yung right person.’ Siyempre, di ba, mahirap yung ano, eh, yung kayo lang, siyempre may mga anak ako na kahit papaano unahin n’ya yon bago ako. Pag hindi, eh, di huwag na. Package dapat,” deklara niya.

Importante din ba sa kanya ang laman ng bank account ng magiging karelasyon?

“Hindi. Syunga (tanga) nga ako sa ganun, eh, kita mo hanggang ngayon wala akong bahay, wala akong kotse,” pagdidiin ni Sugar.

Samantala, ngayong nag-resign na siya sa isang evening variety show ay handa daw siyang magtrabaho sa ABS-CBN kung mabibigyan ng pagkakataon.

“Kahit prosti sa Ang Probinsyano, okey na ako,” biro pa niya. “Gusto ko namang umarte, marunong din naman akong umarte kaya bigyan n’yo ako ng trabaho,” panawagan pa ni Sugar.