• Home
  • Fresh Scoops
  • Allen Dizon sa vintage cars napupunta ang kinikita sa showbiz

Allen Dizon sa vintage cars napupunta ang kinikita sa showbiz

Aktor na si Allen Dizon ipinaliwanag paano niya minamanage ang kanyang kita sa showbiz.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

7/7/2019 2:34 PM
Allen Dizon sa vintage cars napupunta ang kinikita sa showbiz


Photo credit: @allentdizon IG

Ang mahal naman ng hobby ng multi-awarded actor na si Allen Dizon. Kolektor pala siya ng vintage cars at do’n napupunta ang mga kinikita niya sa pelikula at telebisyon.

“Nakahiwalay yung kinikita ko sa showbiz. Ini-enjoy ko lang yung kita ko sa pelikula at saka sa TV, naka-separate. Minsan pinag-iipunan ko pag meron akong gustong bilhing sasakyan, para may souvenir ako sa mga ginagawa ko,” simulang kuwento ng multi-awarded actor sa exclusive interview ng PUSH.

Nagsimula raw ang hilig niya sa classic o vintage cars 15 years ago pa.

“Puro mga classic at vintage cars ang binibili ko for restoration. Meron akong allotted na budget for that. Example, yung kinita ko sa isang pelikula para lang yon do’n,” sey ulit niya.

Dagdag na kuwento pa ni Allen sa PUSH, nagkaroon na siya ng more than 20 vintage cars.

“Binibenta ko yung iba kaya ngayon siguro 10 na lang. Pag na-restore ko na, wala nang thrill, eh, kaya ibebenta ko para kumita.”

Nagmamay-ari si Allen ng 1970 Camaro, 1967 Mustang, merong Porche Targa 1974, Ipana 1960, Savera 1969 at Mustang 1965 na convertible.

Aniya, “Pag binibili mo kasi yung classic na ganun, pag bulok medyo mura pa, eh. Mga P200K, P300K, P500K, maximum ang P1 million. So pag ni-restore mo siya gagastos ka ng doble, pero yung kikitain mo dodoble rin naman pag binenta mo.

“Dati pangarap ko lang yon noon kasi may kapitbahay ako na may vintage car. Nung nag-artista na ako, nung kumikita na ako at nagpu-put up na ako ng pakonti-konting buy and sell nag-start ako sa dalawang vintage cars hanggang dumami na.”

Eh, ano ba ang pina-expensive na vintage car ang na-acquire niya?

“Siguro yung Dodge Charger 1970. Nabili ko siya mga P3 million pero kapag binenta mo siya mga P4 or P5 million,” pagmamalaki ng aktor.

Hindi naman daw nila pinag-aawayan ng misis niya ang kanyang hobby.

“Alam naman kasi niya na kapag binenta ko kumikita rin ako. Alam niyang kumikita ako sa hobby and at the same time business na rin. Before puro hobby lang, yung napupunta lang sa piyesa. Pupunta akong Amerika para bumili ng parts para sa shop ko.

“Nung after five years na nagbebenta na ako, so kumikita na yung mga naipon ko, na-restore ko. Yung pera umiikot na, before nando’n lang, sa garahe lang, nakatingin ka lang pero walang kita,” pahayag niya.

Allen also owns a franchise of Kenny Rogers na ayon sa kanya ay 14 years na rin. Confident din ang aktor na kahit mawala siya sa showbiz ay mabubuhay pa rin nang maayos ang kanyang pamilya.

“Oo naman,” paninigurado ng aktor. “Mabubuhay naman kami kahit wala na ako sa showbiz. Kaya if ever, kung talagang wala, at least meron ka talaga dapat na fall back.

“Yon din ang ina-advise ko sa mga kaibigan ko sa showbiz.  Kung yan ang bread and butter mo, sige oky, ayusin mo yan, mag-ipon ka nang mag-ipon. Pero darating ang time na kailangan mong magpundar ng negosyo na kumikita kung hindi ka na sikat, wala nang kumukuha sa ‘yo at limited na yung role para sa ‘yo.

“Hindi puwedeng nakaasa lang sa showbiz all the time. Na yan lang inaasahan mo. Eh, paano pag wala, kawawa ka,” paalala niya sa mga kasamahan sa showbiz.

Meanwhile, kagagaling lang ni Allen ng China para sa  A-List 22nd Shanghai International Film Festival kung saan ipinalabas ang pelikula niyang Persons Of Interest at Alpha: The Right To Kill.

Two exciting films din ang dapat abangan sa magaling na aktor – ang Latay with Lovi Poe (directed by Ralston Jover) at Mindanao kasama si Judy Ann Santos (directed by Brillante Mendoza)