Pinay teenager, wagi sa Euro Talent Festival sa Spain

Plano ngayon ng 17-year old singer na ibahagi sa Pilipinas ang kanyang talento.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

7/4/2019 12:12 PM
Pinay teenager, wagi sa Euro Talent Festival sa Spain


Angat ang galing ng Pinay teenager na si Mia Critchett sa naganap na Euro Talent Festival sa Spain kung saan kinilala ang galing ng Pinoy talent.

Isa ang 17-years old na singer ng Vega Entertainment and Productions sa mga nag-uwi ng parangal kung saan niya ipinamalas ang kanyang galing sa pag-awit.

 

Kuwento ni Mia, extra sweet ang kanyang pagkapanalo dahil ito ang unang beses na sumabak siya sa isang singing competition.

“Opo first time po, nerve-wracking siyempre, ibang country. Hindi mo kilala ang mga delegates na iba. Ikaw lang ang nag-iisang Pilipino, ako lang po ang nag-iisang Asian, pero super exciting po ang feeling.”

At dahil first timer, hindi din naging madali para kay Mia ang harapin ang kanyang kaba sa pagharap sa maraming tao.

“‘Yung stage fright ko po, iba po ‘yung effect parang nag-a-acid reflux, pero siyempre hindi pwede pabayaan, kasi baka po ma epektuhan ang performance ko. Kaya po pumipikit nalang po ako tapos nagdadasal po ako at naitawid ko po ‘yung performance ko ng maayos,” sabi pa niya.

Bukod sa pagharap sa kanyang kaba, isa din sa hinarap teenager ang mga hamon ng kanyang pag-abot sa kanyang pangarap.

“Sobrang dami po, throughout the competition po madami na po. Pero kung isasama po ang buong journey ko para maabot ko ‘yung dreams ko po ang dami po,” paliwanag ni Mia.

“Yung raising po for funds namin for this competition, I learned po the people that I can trust and the people who really believes in me, ‘yung taong andyan sila para sa ‘yo kahit na ano ang mangyari, pati ‘yung process nang pag raise ng money and all that,” aniya pa.

At sa kanyang naiuwing karangalan, hangad ni Mia na ipagpatuloy na ang kanyang pangarap na maging isang ganap na singer sa Pilipinas.

“Anong plano ko? ‘Yan din po ang tanong ko sa sarili ko (laughs). Pero I really want to pursue singing and this path, this career. I think kung mag persist talaga ako and paghihirapan ko siya, I’ll get somewhere,” saad pa niya.

Sa huli, pinasalamatan ni Miah ang mga tao na tumulong sa kanya lalo na ang mga singing coaches na kasama niya na nag-pursige para sa kanyang pangarap.

“‘Yung skills na meron ako and ‘yung talent na binigay sa akin ni lord kung paano ko po siya aalagaan,natutunan ko po ‘yun sa mga mentors ko na habang buhay ko na gagamitin sa pag abot po ng mga pangarap ko,” pahayag pa niya.