• Home
  • Fresh Scoops
  • Nora Aunor at Phillip Salvador muling magsasama sa ‘Isa Pang Bahaghari’ pagkatapos ng 3 dekada

Nora Aunor at Phillip Salvador muling magsasama sa ‘Isa Pang Bahaghari’ pagkatapos ng 3 dekada

Nag-react din si Nora Aunor na hindi natuloy ang pagsama nila nina Christopher de Leon at Tirso Cruz III sa pelikula.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

7/30/2019 10:54 AM
Nora Aunor at Phillip Salvador muling magsasama sa ‘Isa Pang Bahaghari’ pagkatapos ng 3 dekada


Makalipas ang tatlong dekada ay muling magsasama sa isang pelikula ang multi-awarded actor na si Phillip Salvador at ang superstar na si Nora Aunor.

Nitong Linggo, July 28, ay humarap sa ilang miyembro ng entertainment press ang dalawa kasama ng iba pang cast ng pelikula para ibalita ang pagsasama nila sa pelikulang Isa Pang Bahaghari ng Heaven’s Best Entertainment.

Ang pelikula ay ididirek ni Joel Lamangan na siya ring director ng award-winning film ng 2018 Metro Manila Film Festival na Rainbow’s Sunset. Sa taong ito ay muling isa-submit ng Heaven’s Best sa 2019 MMFF ang Isa Pang Bahaghari para sa 4 pang natitirang slots ng finished films na mapipili.

Taong 1985 nang huling magsama sina Nora at Phillip sa pelikulang Tinik Sa Dibdib. Ang iba pang acclaimed films na pinagsamahan ng dalawa ay ang Bona at Nakaw Na Pag-ibig.

Originally, sina Christopher de Leon at Tirso Cruz III dapat ang magiging leading men ni Nora sa Isa Pang Bahaghari kaya lang hindi pumuwede ang dalawa.

Ano ang reaksyon dito ng Superstar?

“Ay naku, siguro naman may edad na tayo dyan para pag-usapan pa natin. Bahala sila kung ano po yung… bigyan natin sa kanila kung ano yung desisyon nila kasi ang bawat isa naman sa atin may mga kanya-kanyang pananaw sa buhay. Hayaan natin sila,” paliwanag ni Nora.

Dugtong ng aktres, “At natutuwa naman ako dahil sina Kuya Ipe at saka si Michael (de Mesa) ay di hamak na magagaling na artista din na makakasama ko dito.”

Hindi rin naitago ni Nora ang excitement na muli niyang makakaeksena sa pelikula si Phillip.

“Ang naalala ko talaga sa kanya ay nung ginawa namin ang Bona. Isa siyang magaling na aktor. Masarap kasama sa set.

“Natutuwa ako at ngayon lang ulit kami magkakasama at suspetsa ko, ninerbyosin din ako kapag siya na ang kaeksena ko dito dahil alam mo na, magaling na artista si Ipe, eh,” sambit niya.

Eh, ano naman ang pumasok sa isip niya nung in-offer sa kanya ang Isa Pang Bahaghari?

“Walang pumasok sa isip ko dahil si Direk Joel ang director ko. Hindi na ako nagdalawang isip dahil alam kong pag siya ang director ko magandang pelikula ang kalalabasan,” huling pahayag ni Nora Aunor sa PUSH.