DJ Jasmin ng MOR 101.9, pumanaw na

DJ Jasmin of MOR 101.9 pumanaw na matapos makipaglaban sa sakit sa kidney.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

7/30/2019 7:06 PM
DJ Jasmin ng MOR 101.9, pumanaw na


Photo credit: @DJ Chacha on FaceBook

Pumanaw na ang disc jockey ng MOR 101.9 na si Jasmin Basar o mas kilala bilang si DJ Jasmin, matapos labanan ang sakit sa kanyang kidney. 

Isang dekada ring nagtrabaho sa radio station si DJ Jasmin at kilala ang kanyang programang "Dear Jasmin" na kinalaunan ay naging "Dear MOR." Sa programang ito ay nagbibigay naman siya ng advice sa mga taong sawi sa pag-ibig.

Nakiramay ang MOR at ang kanyang mga dating nakatrabaho tulad nina DJ Chacha at DJ Popoy sa kanyang pagpanaw.

“Sa ganitong itsura mo gusto kitang maalala. Masaya at malakas. Habang buhay kong ipagpapasalamat na nagkaroon ako ng pagkakataon makatrabaho ka mars. Mami-miss naming lahat ang mga ngiti mo ang halakhak mo, ang mga hugot mo sa radyo. Hindi ka na mahihirapan ngayon mars," ani DJ Chacha at kanya ring ibinahagi ang kanilang mga larawang magkasama.

“I-hello mo ko kay Lord diyan. See you soon, DJ Jasmin.Lord tulungan mo po kaming mga naiwan ni Jasmin lalo na ang pamilya at malalapit na kaibigan niya makayanan ito,” dagdag pa niya.

 

 

 “Mami-miss kita, Manang Jasmin ko. Kuwentuhan, asaran, payuhan na pang sa ating dalawa lang. Tunay kang kaibigan, Kasmin. Magpahinga ka na. Gabayan mo kami. Goodbye, partner. I love you," ani DJ Popoy na partner naman niya sa programang "Dear MOR."

 


Noong nakaraang taon ay ibinahagi na ni DJ Jasmin sa publiko ang kanyang pinagdadaanan. Sa kanyang panayam sa Rated K ay sinabi niyang sumasailalim siya sa dialysis at naghahanap ng ka-match na kidney donor.

“Bakit ako? Sa dinadami ng tao sa mundo na masasama, why me? Gano’n ka ba kabilib sa akin, Lord, sa powers ko, at iyon agad ang binigay mong pagsubok, agad-agad?

“I always put in mind, everything will be alright in the end, that I will be able to get back to my old life, and make it a better one,” ani DJ Jasmin.