• Home
  • Fresh Scoops
  • Ara Mina, minsan nang napag-uusapan ang love life kasama si Sarah Geronimo

Ara Mina, minsan nang napag-uusapan ang love life kasama si Sarah Geronimo

Inilarawan ni Ara Mina kung paano makatrabaho si Sarah Geronimo

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

7/25/2019 2:11 PM
Ara Mina, minsan nang napag-uusapan ang love life kasama si Sarah Geronimo


Photo Credit: @therealaramina @popstarprincess on IG

Kasama ang award-winning actress na si Ara Mina sa pelikulang Unforgettable na pinagbibidahan ni Sarah Geronimo mula sa Viva Films. Ayaw lang maging spoiler ni Ara about her role pero karamihan daw ng mga eksena ni Sarah ay kasama siya.

“Lahat ng eksena ko kasama ko si Sarah. Kaya nga sabi nila, ‘Uy, yung dates mo ha, kasi hindi tayo puwedeng ma-pack-up.’ Kasi nga, lahat ng shooting days ko kasama si Sarah,” kuwento ng aktres.

Pina-describe namin kay Ara kung kumustang katrabaho si Sarah and as expected puring-puri niya ang Popstar Royalty.

Ani Ara, “Ano siya, super tahimik pero after nung ilang shooting days, medyo ano na siya, parang kampante na siya sa amin. Nakikipagkuwentuhan na rin. Siyempre, at first nangangapa pa, eh.  Pero sobrang tahimik niya.

“Nung mga first shooting days namin, parang isang tanong isang sagot lang siya. Yung kapag tinanong mo siya, sasagutin ka lang niya, yung parang nagkakahiyaan pa.

Sobrang humble and very down to earth din daw ng singer-actress.

“Very humble siya, kumbaga, makikita mo siya in person different pag nagpe-perform siya. In person, sobrang shy type girl siya, pero pag nag-perform na siya ibang Sarah G na,” sambit pa niya.

Patuloy ng aktres, “Mabait si Sarah. Walang diva factor. Kasi di ba, siyempre Sarah Geronimo na siya, eh. Yung iba pag ganun, medyo may pagka-diva factor na. Yung magpapaantay, aantayin mo.
“Eh, siya minsan pagdating ko sa set nando’n na si Sarah, nauna pa sa akin. Ganun siya, nauuna pa siya.”

Nagkukuwento na ba sa kanya si Sarah about her personal life?

“Nung nag-shoot kami sa Baguio medyo nakapag-bonding kami. Medyo nag-uusap-usap na rin. Nagkukuwento ako about mga past love life ko.

“Tapos sabi ko sa kanya nakakatuwa naman kayo, matagal na kayo ni Matteo (Guidicelli), sabi niya, ‘Oo nga po, Ate.’ Sabi ko rin, ‘Magkamukha na kayo at feeling ko kayo ang magkakatuluyan.’ Sagot niya, ‘Naku po, sana po Ate,’” huling kuwento ni Ara sa PUSH.