• Home
  • Fresh Scoops
  • Yeng Constantino, ikinwento ang traumatic experience kasama ang asawa sa Siargao

Yeng Constantino, ikinwento ang traumatic experience kasama ang asawa sa Siargao

Ikinagulat ng netizens nang inihayag ni Yeng Constantino na dumanas ng short-term memory loss ang kanyang asawa habang sila ay nagbabakasyon sa Siargao.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

7/19/2019 6:46 PM
Yeng Constantino, ikinwento ang traumatic experience kasama ang asawa sa Siargao


Ikinagulat ng netizens nang inihayag ni Yeng Constantino na dumanas ng short-term memory loss ang kanyang asawa habang sila ay nagbabakasyon sa Siargao.

Sa kanyang vlog entry nitong Huwebes, ikinwento ng singer na nangyari ito matapos na mag-cliff jumping ni Yan Asuncion kasama ang ilang kaibigan sa kanilang trip. Aniya, “After niyang tumalon, naging nakakatakot at madilim na ‘yung naging experience namin sa Siargao. Nung umpisa, tumatawa pa siya, eh. Tapos kinekwento niya pa kung anong feeling ng pagtalon niya.”

“Nagbibiro pa nga siya. ‘Siguro ito ‘yung feeling na masuntok ni Manny Pacquiao. Sobrang sakit, love.’”

Ayon kay Yeng, dito na mag-simulang mawalan ng memorya ang kanyang asawa. Ani Yan, wala na siyang maalala mula noong tumalon siya hanggang pagkatapos. Hindi na rin daw niya maalala kung nasaan sila o kung paano sila nakarating ng Siargao.

“Doon sa point na ‘yun, kinabahan na talaga ako. ‘Anong nangyayari?’ Then, I remembered, kasi nagwe-wake board kami sa Pradera. ‘Yung manager, slash ‘yung nagko-coach sa amin kung paano mag-wakeboard, nasabi niya ‘yun sa amin before, mga few months back, na may mga taong nagkakaroon ng temporary memory loss because of an impact. Meron siyang dalawang client sa Pradera na nagkaroon ng memory loss na nagla-last mga one to two hours,” aniya.

“Buti na lang may mga doktor din doon sa may lagoon kung nasaan kami. Nag-rush sila towards us kasi nakikita siguro nila na nag-aalala na kaming magbabarkada. Apat sila o tatlo na nagbabakasyon sa Siargao.” Ayon pa kay Yeng, matapos na i-check si Yan ay pinayuhan sila ng grupo na i-takbo siya sa pinakamalapit na hospital upang agad na sumailalim sa X-ray.

“Nung nagbabangka kami going to the main land para sumakay ng ambulansya, si Yan, nag-i-start siyang magsabi ng mga paulit ulit na bagay,” patuloy niya. Bigla na lamang daw ni-recite ni Yan ang pangalan ng kanilang pamilya, maging ang kanyang birthday at kanilang wedding anniversary. Ngunit, ‘di na niya matukoy kung anong taon sila nandoon.

Matapos na makarating sa Del Carmen Hospital, itinuro ang mag-asawa sa isa pang ospital sa Dapa dahil kulang daw sila sa medical equipment. Ngunit, matapos na makarating sa pangalawang ospital, dito pa mas na-tense si Yeng dahil umano walang sense of urgency ang doktor na naka-duty doon.

Pinayuhan pa raw siya nito na kumalma lang dahil masyado raw siyang seryoso, at imbis na mag-worry ay maiging magdasal na lang. Aniya, “Nung moment na ‘yun, gusto kong sumabog, gusto kong umiyak. Na parang, ‘How can you say that?’ Pwede nating isipin na she means well naman siguro, she just wants [me] na ‘wag mag-alala. Pero how can I not worry na nakita mo ‘yung asawa mo na nag-uulit-ulit ng mga bagay at hindi niya maalala ‘yung mga bagay bagay? And hindi mo alam kung permanente o temporary lang ‘yung nararanasan niya? O kung merong dugo siya sa ulo o kung meron siyang crack sa skull?”

Ayon kay Yeng, dapat may gawin ang gobyerno ng Siargao para maiwasan na ang ganitong mga sitwasyon.

“Mas makakabuti kung ayusin ‘yung mga ospital kasi mayroon kayong mga extreme sports na ganito, eh. Na malamang lamang talaga, maraming maaaksidente. Ito ‘yung ilan sa mga tourist attractions ninyo, eh. Sana po preparado rin ‘yung island para sa mga aksidente.”

Pinasalamatan naman niya ang mga tumulong sa kanilang mag-asawa at sinabing okay na ang kalagayan ni Yan ngayon.

Panoorin ang buong bidyo rito: