• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Mau Marcelo nag-react sa maagang pagkatanggal ng anak na si Trish Bonilla sa ‘Idol Philippines’

EXCLUSIVE: Mau Marcelo nag-react sa maagang pagkatanggal ng anak na si Trish Bonilla sa ‘Idol Philippines’

Mau Marcelo, idinetalye kung ano ang balak gawin ng anak niyang si Trish Bonilla pagkatapos matanggal sa ‘Idol Philippines.’

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

7/17/2019 11:04 AM
EXCLUSIVE: Mau Marcelo nag-react sa maagang pagkatanggal ng anak na si Trish Bonilla sa ‘Idol Philippines’


Sa pangalawang linggo ng live competition ng Idol Philippines sa ABS-CBN ay natanggal agad si Trish Bonilla na anak ng singer at kauna-unahang Philippine Idol champion na si Mau Marcelo.

Ang upbeat version ng kanta ni Erik Santos na “Pagbigyang Muli” ang naging piyesa ni Trish kaya lang hindi sinasadyang nakalimutan ng dalaga ang lyrics ng song kaya nawala siya pansamantala habang nagpe-perform.

Hindi ba siya na-disappoint sa naging performance ng anak?

“Hindi po,” sagot sa amin ng singer. “Naniniwala pa rin kasi ako na hindi lang dun natatapos lahat ng pangarap niya.

“Napakabata pa ni Trish. At saka para isipin kong ma-disappoint ako sa pagkatanggal niya noon, hindi, eh. Kasi kahit naman ang anak ko ay aminadong nagkamali talaga siya kaya technically, matatanggal talaga siya.

“Unfair naman don sa iba na hindi nagkamali, di ba? Kahit alam kong mas maganda pa rin ang voice quality ng anak ko, move on na lang kami sa nangyari,” paliwanag ni Mau.

Naniniwala din ang singer na magiging malakas sana ang laban ni Trish kung hindi ito nagkamali sa kanyang kanta.

“Napakalakas talga ng laban ni Trish lalo na sa kung kalidad ng boses ang pagbabatayan,” giit pa niya.

“Kaya lang, yon nga, medyo nasayangan ako kasi nando’n na siya, eh. Sabi ko na lang sa kanya noon after niyang mag-perform, ‘sana ma-save ka pa at maghimala si Lord.’ Pero sadly, natanggal din siya,” lahad ng ina ni Trish.

Hiningi na rin namin ang opinion ni Mau kung sino ba sa tingin niya ang pupuwedeng manalong kauna-unahang Idol Philippines.

Aniya, “Para sa akin, kasi lahat naman sila deserving. Pero ako, personally, gusto kong manalo si Lance.”

Samantala, positibo naman ang pananaw ni Trish na may maganda pa ring mangyayari sa kanyang singing career after what happened. Binabalak pa rin niyang sumali ulit sa mga singing competition sa bansa sa mga susunod na panahon.