• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Wish ni Baron Geisler na makagawa ng Christian film, matutupad na

EXCLUSIVE: Wish ni Baron Geisler na makagawa ng Christian film, matutupad na

Natupad na daw ang birthday wish ni Baron Geisler na makabalik sa showbiz.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

6/7/2019 11:26 AM
EXCLUSIVE: Wish ni Baron Geisler na makagawa ng Christian film, matutupad na


Photo credit: @baron.geisler on Instagram

Ayon kay Baron Geisler nang makausap namin siya sa telepono, nasa taping siya nung June 5 ng teleseyeng FPJ’s Ang Probinsyano kahit 37th birthday niya.

Wala rin daw party or selebrasyon dahil hindi naman ito uso sa kanya.

“Wala nang party-party. Nagtrabaho lang ako. Walang cake, walang kahit ano. Kasi nga, alam naman nilang lahat ang stand ko regarding self entitlement. Wala na, tinanggal ko na talaga yung self entitlement,” katwiran ni Baron sa amin.

Nang tanungin namin kung ano ang kanyang birthday wish, aniya, granted na raw ang mga ito.

“Granted na yung birthday wish ko na makabalik sa industriya,” deklara ng aktor.

Patuloy niyang pahayag, “Pero siyempre, gusto ko rin na maibalik ko yung tamang attitude, tamang pakikisama sa mga taga-industriya. Gaya ngayon, bawat taping ko sa Probinsyano may nagiging kaibigan ako.

“Hindi ko na ina-isolate yung sarili ko. Lumalapit na ako sa artistang hindi ko dati nalalapitan kasi natatakot ako or sa tingin ko takot sila sa akin. Parang may peace of mind na ako talking with them at nakikita ko rin naman na may respeto na sila sa akin.”

Dagdag pa ni Baron, kasama rin daw sa birthday wish niya ang ma-sustain ang kanyang sinimulang negosyo—ang Gents Barber Shop—at ang relationsip nila ng non-showbiz girlfriend.

Ibinalita rin ng aktor sa PUSH na meron siyang isang bagay na matagal na niyang ipinagdasal ang matutuloy na rin sa wakas.

“Ipinagdasal ko last year pa na makagawa ng isang matinding Christian film at natupad na siya. Tinawagan na ako four days ago ni Bishop, tuloy na yung film na ako ang bida.”

Pinoy ang magiging director ng pinagmamalaking Christian film ni Baron na layuning maka-inspire ng maraming tao.