Inanunsyo ni Robin Padilla ang kanyang balak na sumali sa Philippine Army bilang isang reservist na isa sa pagpapakita niya ng suporta sa plano ni President Rodrigo Duterte na maging mandatory muli ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) para sa mga senior high school students.
“Mga kabataang Pilipino, sasamahan ko kayo mula umpisa hanggang sa huli. Papasok ako sa Philippine Army Reserve para sa inyo upang masundan ko ang bawat ninyong hakbang tungo sa kabayanihan,” ani aktor.
“Hindi tayo iiwan ng AFP at ni Mayor PRRD mga mahal na kabataan kaya't tayo'y tumindig at bumangon ng nakataas ang dibdib at nakataas ang mga noo para sa Dios! Para sa Inangbayan! Para sa kapwa Pilipino,” dagdag pa niya.
Layunin ng Presidente na maging mandatory muli ang ROTC upang maging handa ang mga kabataang Filipino kung sakaling dumating ang panahon kung saan kailangan ipaglaban ang bansa.
Taong 2002 nang ipatupad ang batas na optional na lamang ang pagsali ng ROTC matapos pumutok ang balitang pagkamatay ni Mark Chua, isang estudyante sa University of Santo Tomas na di umano’y napaslang matapos ibunyag ang hindi paggamit ng kanilang pondo sa tama.