• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Award-winning songwriter Joven Tan happy to celebrate his two decades in the music industry

EXCLUSIVE: Award-winning songwriter Joven Tan happy to celebrate his two decades in the music industry

Ikinuwento din ni Joven Tan kung paano niya nakatrabaho ang yumaong aktor na si Eddie Garcia.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

6/23/2019 1:40 PM
EXCLUSIVE: Award-winning songwriter Joven Tan happy to celebrate his two decades in the music industry


Photo credit: @ joventan8 on Instagram

Bukod sa pagiging isang accomplished director, si Direk Joven Tan ay isa ring award-winning songwriter.

Si Joven ang composer ng kantang “Ano’ng Nangyari Sa Ating Dalawa,” interpreted by Aiza Seguerra, na tinanghal na grand winner ng 2013 Himig Handog Love Song.

Siya rin ang lumikha ng awiting “Pare, Mahal Mo Raw Ako” ni Michael Pangilinan na naging finalist din sa 2014 Himig Handog. Bagama’t hindi nanalo ang kanta ay naging monster hit naman ito.

Paano nga ba nagsimula ang kanyang career bilang songwriter?

“1999 nang magsimula akong gumawa ng songs sa tulong ng mga kilala kong composer like Sunny Ilacad, Eric Dela Cruz Narvaez at Sherwin Castillo. Alam ko, nakakakanta ako pero wala akong idea na kaya ko palang gumawa ng kanta,” kuwento ng director-songwriter sa PUSH.

Patuloy niya, “Mula noon, tuloy-tuloy na hanggang sa hindi ko na namalayan na lampas 100 kanta na pala ang nagawa ko.

“May maayos, may maganda, may hindi masyado, pero dahil gawa ko, tanggap ko silang lahat. Mula jingle ng produkto, jingle ng pulitiko. Malungkot, masaya, maharot, gospel, lahat yata halos nagawa ko na.”

Ayon pa kay Joven, dalawang dekada na siyang lumilikhang mga awitin.

“20 years na pala akong gumagawa ng songs at wala pa akong balak tumigil. Happy anniversary sa akin. Hehehe!

“Hangga't may kuwento, susulat ako. Hanggang may nagtitiwala, hindi ako hihinto. Ang saya-saya kayang lumikha ng kanta,” lahad pa niya.

Samantala, as a director, may unforgettable experience din siyang ibinahagi tungkol sa yumaong beteranong aktor na si Eddie Garcia.

“Sobrang kabado ako noong una ko siyang nakatrabaho. Isang beteranong aktor/direktor tapos ako, isang baguhan.
“Nahalata niya yon kaya kinausap niya ako sa isang sulok at sinabihang, ‘relax lang direk, artista mo ako, susunod ako kung ano gusto mo.’

“Mula noon, lalong tumaas ang respeto ko sa kanya. Sa tuwing nagkikita kami at nagkaka-trabaho, nandoon yung pakiramdam na may pinagsamahan kami,” kuwento ni Joven.

Naidirek ni Joven si Manoy Eddie noon sa pelikulang Kapitan Ambo (Outside The Kulambo) ng FLT Films.