Aiko Melendez, na trauma na sa mga nagpapa-video greeting

Galit ang aktres sa gumagamit ng kanyang pangalan sa pageendorso ng isang slimming product online.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

6/24/2019 7:56 AM
Aiko Melendez, na trauma na sa mga nagpapa-video greeting


Photo credit: @aikomelendez on Instagram

Naimbiyerna ang aktres na si Aiko Melendez sa isang online seller na gumagamit ng litrato at pangalan niya sa social media para i-promote ang isang produktong pampapayat at makaakit ng customers and distributors sa kanilang networking business.

Post ni Aiko sa kanyang FB account, “Nakakainis yung nagbabayad ka para sa isang produkto tapos ang ending gagamitin ung name at pictures mo para makabenta ng product nila. I'm upset!”

Iginiit din ni Aiko hindi porket paying customer ang isang artista ay pupuwede nang gamitin ang kanilang pictures para sa promotion ng isang produkto.

“Iba ang endorser sa paying customer. Sa aming mga artista ung pag gamit ng pictures namen sa halos lahat ng promotional sales nyo. That's a big no no... Just saying.

“Hindi naman porket mabait sa inyo. Gagamitin na agad pictures namen,” diin ng aktres.
Winarningan din niya ang online seller na kung hindi nito tatanggalin ang pictures niya kasama ng weight loss product ay posibleng padalhan niya ito ng demand letter.

“This is already a warning post. Pls. stop using my pictures to gain sales. You didn't ask permission for my pictures to be used in your networking business.

“I may have tried your product, but to claim that my weight loss was because of your product IS NOT RIGHT, AND DEFINITELY NOT TRUE! Lalo na kung wala naman nakikipag-usap sa akin and my management team regarding endorsement of your company.

“Bring down your posts pls!” pakiusap niya.

Dahil sa nangyari, itinigil na rin ni Aiko ang pagpapaunlak ng mga video greetings mula sa mga taong hindi niya naman kakilala.

“Dun sa mga nag-PM sa akin para sa video greet na-trauma na ako po. Nagpapa-greet kayo ng Happy Birthday tapos papakita nyo sa video slides n'yo na gumagamit ako ng produkto n'yo. Ano kaya yun?

“Kaya pasensya na po hindi ako gagawa muna ng video greet kahit kanino po. Pasensya na po,” sabi pa ni Aiko.