• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Anton Diva, inaming dekada na ang relasyon sa boyfriend na straight guy

EXCLUSIVE: Anton Diva, inaming dekada na ang relasyon sa boyfriend na straight guy

Niligawan si Anton Diva noon ng mga babae.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

6/21/2019 10:08 AM
EXCLUSIVE: Anton Diva, inaming dekada na ang relasyon sa boyfriend na straight guy


Photo credit: @antondiva on Instagram

Successful ang Shine XXII AD concert ni Anton Diva na ginanap sa Cuneta Astrodome noong June 15, 2019. Present at nanood ang kanyang mga malalapit na kaibigan mula sa mga comedy bars.

Isa rin sa nagpataba ng kanyang puso ay ang suporta sa kanya ng kaibigang si Vice Ganda at ng iniidolong si Regine Velasquez na nag-guest pa sa kanyang show.

“Nakaka-overwhelm. Ang saya-saya ko lang. Sobrang thankful talaga ako sa kanilang suporta at sa lahat ng mga nanood,” masayang bulalas ng singer.

May pagkakataon ba sa career niya na may lalaking nai-in love talaga sa boses niya lalo pa nga’t kaboses niya si Regine?

Sagot niya, “Meron naman. Pero hindi yung pangrelasyon. Pang-ano lang, siguro short term, ganun-ganun.”

Kung ikukumpara, mas marami daw babae kesa sa lalaki ang nagkaka-crush sa kanya.

“Mas maraming mga girls na ano… dati parang akala nila siguro puwede akong makipag-ano o pumatol sa girls.

“Hindi, eh. Hindi ko kaya. Never akong nagka-girlfriend. Hanggang friendship lang talaga,” natatawa niyang reaksyon.

Inamin din ni Anton na niligawan din siya ng babae noon.

“Oo, merong ganun. Dumating sa point na parang ganun. Meron akong parang tomboy na ano… na admirer. Binibigyan ako ng regalo at binabantayan ako sa gig ko.

“Binibigyan ako ng roses, stuffed toys, chocolate, ginagawa akong babae talaga. Pero hindi ko talaga keri, eh.

“Alam niya naman din that time na may boyfriend ako, eh, and she accepted that. Hindi naman siya nangulit,” pagtatapat niya.

Hindi ba niya kaya ang magkaroon ng babaeng asawa at magkaanak dito katulad ni Ogie Diaz?

“Hindi ko talaga keri. Hindi talaga. Wala talaga. Virgin ako sa girls, promise.
Kahit hawak, wala,” natatawa ulit niyang reaksyon.

Kahit lasingin pa raw siya ng babae, wala ring mangyayari sa kanila.

“Ay wala. Siguro hindi mangyayari yon. Pero depende na lang sa ipapainom sa akin, kung talagang tulog talaga ako, wala akong magagawa don.

“Pero wala naman sigurong ganun na aabuso sa akin. Wag n’yo naman akong pagsamantalahan,” pakiusap pa niya.

Inamin din ni Anton sa amin na okay ang kanyang love life ngayon. Matagal na rin daw sila ng boyfriend niyang straight guy.

“Kasi di ba yung mga ano (bisexual), mas malalandi pa sa mga girl, di ba? Kaya ako talaga, I go for straight guys talaga.

“Masaya naman kami. Matagal na matagal na kami. Parang dekada na. Masuwerte rin ako sa kanya siguro. Kasi ano, eh, hindi naman tatagal kung hindi naman nagwo-workout. Sobrang tanggap siya ng family ko,” huling pahayag niya sa PUSH