Veteran star Anita Linda, pinarangalan ng FDCP

Sa edad na 94, nanatiling aktibo ang veteran actress sa pagtanggap ng mga proyekto at maituturing na isang kayamanan sa local film industry.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

6/18/2019 9:38 AM
Veteran star Anita Linda, pinarangalan ng FDCP


Photo credits: Cinematheque Centre Manila

Kasabay ng pagdiriwang ng ika-isang daang taon ng Philippine Cinema, isang pagkilala din ang ibinigay ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) para sa veteran actress na si Anita Linda sa “Sandaan: Dunong ng Isang Ina” na ginanap nitong Linggo sa Cinematheque Centre, Manila.

 

Dito, binigyang pugay din sa pamamagitan ng isang exhibit ang buhay niya sa “The Life of Anita Linda: An Exhibit”, kung saan tampok ang kanyang naging ambag sa industriya ng Philippine showbiz.

Mula sa kanyang pagiging romantic lead noong kanyang kabataan, hanggang sa pagganap niya sa maternal o elderly roles, maituturing na isang haligi ng industriya si Anita Linda o Alice Lake sa tunay na buhay.

 

Include caption By using this embed, you agree to Instagram's API Terms of Use.

 

Nagsimula si Anita sa pagiging artista noong 1940s nang siya ay nadiskubre ng direktor na si Lamberto Avellana habang nanonood ng isang stage show. Noong dekada 70, nagkaroon siya ng critical acclaim sa paglabas sa mga obra ni Lino Brocka -- Tinimbang Ka Ngunit Kulang, Isa Dalawa Tatlo at Jaguar. Bukod pa sa pagkilala sa kanya sa FAMAS Awards at Gawad Urian ay binigyang pansin din ang kanyang pagganap sa 2008 independent film ni Adolf Alix na Adela, at nakamit ang Best Actress sa 10th Cinemanila International Film Festivalaward sa edad na 84.  Nanalo din siya ng Best Actress sa ilan pang film fest sa ibang bansa para sa pelikulang Lola noong 2010. 

Para sa kay FDCP chairperson Liza Diño maituturing na isang alamat na si Anita Linda dahil sa mga naiambag niya sa local film industry.

“Isa talagang alamat si Anita Linda sa industriya. Natulungan niyang mahulma ang Philippine cinema sa pamamagitan ng mga ambag niya sa loob ng mga dekada. Binibigyan niya tayo ng mahuhusay niyang acting performances, at nagsisilbi rin siyang haligi ng mga henerasyon,” sabi ni Liza.

Bukod dito, isa ding modelo ang senior actress sa pagbibigay gabay para sa mga nakasama nito sa mga proyekto.

“Hindi lang sa marami niyang roles sa maraming taon kundi pati na rin ang paggabay at pag-mentor niya sa likod ng camera, ang nag-empower sa mga kababaihan. Binigyan niya rin ang mga kababaihan ng boses na nagbibigay-lakas, kariktan, at pakikiramay,” dagdag pa niya.

 

 

Labis na pasasalamat naman ang sukli ni Anita sa natanggap na pagkilala na ito. Sa edad na 94 nanatiling siyang aktibo sa pagtanggap ng mga proyekto. Nakatakdang ipalabas ang kanyang newest film na Circa ngayong taon.