• Home
  • Fresh Scoops
  • Angeline Quinto, ire-record ang kanta na ginawa ng isang 71-year-old amateur composer

Angeline Quinto, ire-record ang kanta na ginawa ng isang 71-year-old amateur composer

Angeline Quinto at songwriter Jonathan Manalo, tinupad ang pangarap ng 71-year old na si Nanay Fe

BY CRISTINA MALONZO-BALANE

Follow me on ig and tw: @kwentoph

FRESH SCOOPS

5/6/2019 10:31 AM
Angeline Quinto, ire-record ang kanta na ginawa ng isang 71-year-old amateur composer


Sa ulat ng Rated K, bibigyang katuparan ni Angeline Quinto at ni songwriter at music producer Joanathan Manalo ang pangarap ng 71-year-old amateur composer na si Francisca “Fe” Teje. Pangarap kasi ni Nanay Fe na kantahin ng isang sikat na singer ang isa sa 30 song compositions niya. 

Ayon sa ulat, sa loob ng 20 years may 30 songs na naisulat si Nanay Fe at isa na dito ang kantang “Maraming Salamat Mahal” na binuo niya para sa asawa niyang si Tatay Edgardo.

Bumuhos ang luha ni Nanay ng surpresahin siya ng Rated K at marinig niya si Angeline na kinakanta ang kanta niya. 

Hindi lang din naman si Nanay ang naging emosyonal dahil pati sina Angeline at Jonathan ay na-touch sa kantang ginawa ni Nanay. Ani Angeline kay Nanay Fe, “Kahit medyo maikli lang yung kantang isinulat niyo, sobra yung puso nung kanta. Bawat linya nung kinakanta ko, talagang tumatagos sa akin. At I’m sure din po sa lahat pa ng mas maraming makakarinig nung kanta ninyo.”

Si Jonathan naman na gumawa ng areglo ng kanta ni Nanay Fe ay nagsabing, “Marami pa pong makakarinig ng sinulat ninyong lyrics at ire-record po yan ni Angeline para maging regular single siya at mas mapapakinggan pa po ng mas maraming mga tao. ‘Pag nag-hit song siya, meron po kayong kikitain dun.” 

Sagot naman ni Nanay Fe kay Angeline, Jonathan, at sa Rated K, “marami pong salamat natupad ang aking pangarap.” 

Ayon pa sa ulat, ire-release bilang single ni Angeline ang “Maraming Salamat Mahal  at ilalagay ito sa Spotify at iba pang media platform at mula diumano sa kikitain dito ay may royalty si Nanay Fe bilang composer.