• Home
  • Fresh Scoops
  • Jessa Zaragoza, inakalang hindi makakanta muli matapos ang throat operation

Jessa Zaragoza, inakalang hindi makakanta muli matapos ang throat operation

Matapos ang isang miscarriage noong nakaraang taon, ikinuwento ni Jessa Zaragoza ang pinagdaanang operasyon dahil sa tumubong polyp sa kanyang vocal cords.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

5/25/2019 12:27 PM
Jessa Zaragoza, inakalang hindi makakanta muli matapos ang throat operation


Photo credit: @jessazaragoza on Instagram

Unang beses na ibinahagi ng Jukebox Diva na si Jessa Zaragoza sa press ang pinagdaanang operasyon, matapos magkaroon ng polyp o sugat sa lalamunan, noong nakaraang taon. Ayon kay Jessa, nangyari ang operasyon sa kanyang lalamunan, ilang buwan matapos ang isang miscarriage noong April 2018.

"Last year naoperahan din ako sa vocal cords. Nagkaroon ako ng polyp. Akala ko nga hindi na ako makakakanta e," pahayag ni Jessa sa press noong Miyerkules, sa Just Right concert media conference.

Nagsimulang mapansin ni Jessa ang kakaibang nararamdaman sa lalamunan sa isa niyang guesting sa It's Showtime noon, kung saan ay kailangan siyang palitan dahil sa pamamalat ng boses.

'Overuse' ang dahilan ng sugat niya sa lalamunan, ayon sa singer. Dagdag pa niya, hindi rin 'healthy' ang sobrang paggamit ng mababang boses dahil sa pag-gagasgas sa lalamunan. 

"Kahit nga yung pagsasalita ko kailangan 'wag masyadong [mababa], para yung vocal cords mo, hindi siya [naggagasgas]," paliwanag ni Jessa.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

🧜‍♀️RE START 🙃👑

A post shared by Jessa Zaragoza-Avanzado (@jessazaragoza) on

 

Matapos ang operasyon, ikinuwento ni Jessa na may halos dalawang linggo siyang nakapahinga at hindi nagsasalita.

"Tinanggap ko na rin yung faith ko, na kung sakaling mag-iba ang boses ko, e wala na tayong magagawa. 

"Nag-pray talaga ako sabi ko, Lord kung tingin mo na hanggang dito mo na lang ipagagamit yung gift mo sa 'kin. Tatanggapin ko. I mean sobra-sobra nang binigay niya sa akin," kuwento ni Jessa. 

Masaya at nagpapasalamat si Jessa ngayon dahil hindi naman tuluyang nawala o nagbago ang boses. Para sa kanya, mas nakatulong ang operasyon dahil malinis na muli ang kanyang lalamunan. 

"Doon mo mare-realise na talagang lahat ng meron ka, hindi iyo yan, pinahiram lang," huling pahayag ni Jessa. 

Richard Poon at Jessa Zaragoza, may pasabog sa kanilang concert

Balik sa pagpeperform si Jessa, at aabangan siya sa kanyang concert kasama si Richard Poon. Ang Just Right: The Diva and the Crooner Live in Concert ay magaganap sa Resorts World Manila, sa June 8.