• Home
  • Fresh Scoops
  • Piolo Pascual, Shaina Magdayao pinangunahan ang world screening ng “Ang Hupa” sa Cannes

Piolo Pascual, Shaina Magdayao pinangunahan ang world screening ng “Ang Hupa” sa Cannes

Naging matagumpay ang world screening ng pelikulang “Ang Hupa” sa Quinzaine des Réalisateurs, o Directors’ Fortnight, bilang parte ng prestihiyosong Cannes Film Festival na ginanap sa Cannes, France nitong Miyerkules, May 22.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

5/23/2019 3:34 PM
Piolo Pascual, Shaina Magdayao pinangunahan ang world screening ng “Ang Hupa” sa Cannes


Photo credit: Star Magic

Naging matagumpay ang world screening ng pelikulang “Ang Hupa” sa Quinzaine des Réalisateurs, o Directors’ Fortnight, bilang parte ng prestihiyosong Cannes Film Festival na ginanap sa Cannes, France nitong Miyerkules, May 22.

Nanguna sa nasabing screening ang mga bidang aktor na sina Piolo Pascual at Shaina Magdayao. Matapos ang pelikula ay nakatanggap ang cast ng standing ovation galing sa audience. Agad namang umakyat sa stage ang dalawa kasama ang kanilang kapwa stars na sina Pinky Amador at Hazel Orencio upang magbigay ng kani-kanilang pahayag ukol sa “Ang Hupa”.

Ayon kay Piolo, hindi niya pinalagpas ang pagkakataong makatrabahong muli ang direktor na si Lav Diaz matapos ang success ng kanilang unang pelikula na pinamagatang “Norte, Hangganan ng Kasaysayan” noong 2013. Ang nasabing proyekto ay lumaban din sa Cannes Film Festival sa parehong taon.

Ani naman ni Shaina, isang malaking karangalan na mapagkatiwalaan ng nasabing award-winning filmmaker na bumida sa “Ang Hupa”.

Hindi naman nakadalo si Lav dahil sa kanyang work commitment sa Cuba.

Sa 24 na pelikulang napili na ipalabas sa Directors’ Fortnight, kabilang ang “Ang Hupa” sa tatlong natatanging entries galing sa Asia, kasama ang “Hatsukoi” (First Love by Takashi Miike) at “Huo Zhe Chang Zhe” (The Live to Sing by Johnny Ma).

Nakatakdang magtapos ang Directors’ Fortnight at Cannes Film Festival sa darating na May 25.

Photos credit: Star Magic