Anton Diva, big dream na magkaroon ng kahit isang hit song

Ikinuwento ni Anton Diva kung paano siya nagsimula sa pagkakanta.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

5/21/2019 11:02 AM
Anton Diva, big dream na magkaroon ng kahit isang hit song


Photo credit: @antondiva on Instagram

Ayon kay Anton Diva, na kilala rin bilang voice impersonator ni Regine Velasquez, hindi niya naisip noon na papasukin niya entertainment industry bilang singer.

“Hindi, eh. Nu’ng college kasi, ang course ko was ECE (Electronics and Communication Engineering) sa La Salle Taft, yung pagkanta nung time was parang hobby lang, pantanggal ng stress sa school work, sa studies,” pagtatapat ni Anton.

Ang alam lang daw niya noon ay ang pagiging fan ng idol niyang si Regine Velasquez.

Kuwento niya, “I was just a fan that time ni Ms. Regine (Velasquez). Never in my mind na eventually I would be singing and yun pa ang naging bread and butter ko. Never ko naisip or na-imagine.

“Siyempre, biggest influence in my early years is walang iba kundi si Ms. Regine. Natanggap ako sa trabaho kasi kaboses ko daw si Ms. Regine Velasquez. Yun ang naging dahilan kung bakit ako napasok sa sing-along bars which at that time I consider na showbiz na din.”

Sa comedy bar nagsimulang makilala si Anton.

“First three years ko sa comedy bar sobrang pressure kasi di naman ako komedyante. Hindi ako natanggap sa trabaho dahil nakakatawa ako.

“Siyempre, yung expectation ng ibang mga guest, is that I should be funny, pero alam naman ng mga kasama ko yung strength ko. I’m always paired with somebody sa gig na nakakatawa para balanse, so it’s laughter and music in a night kaya maganda ang kumbinasyon,” lahad niya.

Dagdag pa ni Anton, “I remember, sa sobrang mahiyain ko, I need to drink a bottle of San Mig Light para magkaroon ako ng lakas ng loob na chumika. (Laughs).

“Sobrang tahimik ko talaga. Kaya yung mga kaklase ko nung high school and college, nagulat sila kasi paano ako nakapasok sa comedy bar kasi hindi talaga ganun ang character ko.”

Bukod kay Regine, ibinahagi rin ni Anton ang iba pa niyang iniidolo bilang singer.

“Locally, si Ms. Regine lang talaga. Nung nag-start ako makinig, siya yung artist na sinusundan ko na bilhin yung recording, cassette tape. I was a fan since I heard her sing ‘Narito Ako’.
“International Divas, there was Mariah (Carey), Whitney (Houston), si Celine Dion, those were my big musical influences. Of course Barbra Streisand. Those were my idols, icons na humubog sa style ng pagkanta ko ngayon,” he said.

Ibinahagi rin ni Anton kung ano ang biggest dream niya bilang singer.

“Ngayon, gusto ko lang ulit magka roon ng recording. Hindi ko naman hinahangad na maging album, kahit isang song lang na maghi-hit.

“I would love to have a song na makikilala ng maraming Pilipino. I love singing so gusto ko dun ako mag-focus, magkaroon ng collaboration with other singers na idolo ko din.

“It’s a big dream na maka-duet si Ms. Regine, sa isang song na babaunin ko hanggang sa pagtanda ko. Magkaroon kami ng song na maririnig ko sa Spotify, ipapatugtog sa TV o YouTube, gagawa kaming dalawa ng music video. Sana managyari,” wish ni Anton.

Sa June 15, 2019 ay matutupad na ang pangarap ni Anton Diva na magkaroon ng major concert sa isang malaking venue. Siya na ang bibida sa sa Shine XXII AD: Anton Diva concert na gaganapin sa Cuneta Astrodome (Pasay City).

Produced by Teri Onor (Teri Onor Entertainment Services or TOES) and directed by Peter Flores Serrano, special guests ni Anton Diva sina Regine Velasquez-Alcasid, Vice Ganda, Michael Pangilinan, Raging Divas, Miss Q&A 2019 Mitch Montecarlo Suansane, at Jewel Jhonson.