• Home
  • Fresh Scoops
  • Mag-asawang Nonie at Shamaine Buencamino, boses ng mental health awareness

Mag-asawang Nonie at Shamaine Buencamino, boses ng mental health awareness

Sinabi ng celebrity couple na naging wake up call sa kanila ang pagkawala ng kanilang bunsong anak.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

5/20/2019 10:07 AM
Mag-asawang Nonie at Shamaine Buencamino, boses ng mental health awareness


Pagkatapos mag-suicide ng bunsong anak nina Nonie at Shamaine Buencamino na si Julia taong 2015 ay naging boses na ang mag-asawa para sa pagsulong ng mental health awareness.

Tinawag nilang Julia Buencamino Bench Project ang kanilang advocacy.

“Layunin ng proyekto na magtayo ng isang komunidad kung saan ang mga kabataang may mental health issues kasama na iyong dumaraan sa depresyon ay malayang maipahayag ang kanilang pinagdadaanan o karamdaman na walang panghuhusga o kinatatakutan,” kuwento ni Shamaine.

Ayon pa sa mag-asawa, kapag maluwag ang kanilang schedule ay pumupunta sila sa mga eskuwelahan, mga kumpanya at iba’t ibang civic organization para magsalita tungkol sa kahalagahan ng malusog na pag-iisip.

“Gusto naming mag-reach out sa mga magulang at mga anak, lalo na iyong dumadaan sa matinding kalungkutan o depresyon na hindi masama ang humingi ng tulong at pag-usapan ang kanilang nararamdaman.

“We want to build a community that gives support to these kids by making them feel accepted even if they are broken … na hindi dapat nila sinasarili ang kanilang problema o mental condition and also to give them the assurance na tanggap natin sila at it’s not something na dapat nilang ikahiya,” dagdag pa ng aktres.

Aminado ang mag-asawa na naging wake up call sa kanila ang nangyari sa anak.

Aniya,  “We did not know that she was battling with depression, then. Akala namin, okey siya. We’re not even informed as her parents sa kundisyon niya. It was not easy. Actually, iyong acceptance, hindi naging madali para sa pamilya.

“It was indeed a wake up call for us. As parents, hindi mo naman gugustuhing mangyari iyon sa mga anak mo. It just goes to show that depression is real and no one is exempt once na tumama siya sa  iyo.

“People suffering from a mental condition or illness should not be ignored dahil kailangan nila ng support system na dapat unang ibinibigay ng kanilang pamilya,” tuluy-tuloy pang pahayag ni Shamaine na isa sa mga bida sa Sunshine Family kasama ang kanyang mister na si Nonie.

Ang Sunshine Family na base sa 1991 Japanese movie na  Hit and Run Family ay tungkol sa isang dysfunctional family na naninirahan sa Korea na naharap sa matinding pagsubok nang ang kanilang padre de pamilya ay nasangkot sa hit-and run incident.

Kasama rin sa pelikula sina Sue Ramirez at Marco Masa na gumaganap bilang mga anak nila, at ang Korean pop star na si Shinwoo ng boy group na Blanc 7.

Palabas na ang pelikula sa June 5.