• Home
  • Fresh Scoops
  • Ai-Ai Delas Alas, nagbitiw na bilang manager ng Ex Battalion

Ai-Ai Delas Alas, nagbitiw na bilang manager ng Ex Battalion

BY JEFF FERNANDO

Twitter: @showbizjeff

FRESH SCOOPS

5/16/2019 10:07 AM
Ai-Ai Delas Alas, nagbitiw na bilang manager ng Ex Battalion


Photo credit: @msaiaidelasalas on Instagram

Naglabas ng saloobin ang comedy concert queen na si Ai-Ai Delas Alas sa kanyang naging karanasan bilang business manager ng Pinoy hip-hip group na Ex Battalion.

 

Kuwento ni Ai-Ai, labis na sakit na sa ulo ang naging dulot sa kanya ng Ex B.

“Ayoko na! Hindi ko na kaya! Ang tagal ko nang nagtitiis, e. Noon pa ito dapat, kaya lang, nahiya ako kay Boss Vic (Del Rosario) at sa VIVA kasi may pelikula kami. E, ayan, naipalabas na, so I quit! Aalis na talaga ako, bibitiw, lalayo!” kuwento ni Ai-Ai sa Entertainment press.

Para sa comedy concert queen, pakiramdam niya hindi na naging propesyonal ang kanyang mga alaga na dahilan ng pagka-udlot ng mga gigs na ginagawa niya para sa mga ito.

READ: Ex-Battalion, artista na din ngayon

“They say honesty is the best policy and the truth will set you free, so heto, hindi ko na talaga kaya ang mga ginagawa nila sa ’kin. Marami ng insidente, e. Ayoko na ng stress. Para tahimik na rin ang buhay ko. Sa kanila, okay naman sina James at Renn, okay naman. Si Jon, problematic lang ang love life. Pero yung iba, hindi professional, e. May gigs, tatango sila, magko-commit ako, tapos last minute, biglang ayaw na nila. May magpapa-color daw kasi ng hair na gold. May mga hindi nagsising, naiwan ng eroplano. Akong nasusubo sa gulo at napapahiya sa mga producer na kausap ko,” paliwanag ni Ai-Ai.

Labis din na ipinagdamdam ng business manager at aktres ang tila pag balewala na sa kanya ng Ex B bilang manager.

“Pipirma ng kontrata sa VIVA biglang ayaw na. Premiere night ng movie namin, late na late yung iba sa kanila. Sabi ko, hindi na kayo nahiya, yung senior co-stars nyo, pinaghintay nyo pa. Tumatanggap din sila ng booking at gigs on their own. Okay lang sana sa ’kin, pero sana, ipaalam naman nila sa ’kin. Problema ring parang they don’t trust me,” sabi pa niya.

At ang nagpasuko kay Ai-Ai ang naging pagkuwestiyon ng ilan sa mga ito sa kanya tungkol sa pera. “Kinukuwestiyon ako about money. E, ako, kapag nabayaran na kami, hindi nagtatagal sa akin, binibigay ko agad sa kanila. Last straw yung si Mark, nag-commit sa isang show sa Cotabato, tapos biglang aalis na raw siya sa grupo,” sabi pa niya.

Sentimiyento pa ng aktres, “Sila naman ang lumapit sa ’kin, e. Tulungan ko raw sila kasi wala silang manager. Ako naman, walang ibang intensiyon kundi tulungan sila, lahat, ginawa ko para sa kanila, pero hindi nila ako sinusunod. Nagagalit sila kapag sinasabi kong 30 years na ako in the business, alam ko na ang ins and outs, pero ayaw nilang sinasabi ko yun sa kanila. Kung sagut-sagutin nila ako, they don’t respect me at all. Si Daryl, nag-commit kay Billy Crawford, pagkatapos, hindi sumipot. Akong nag-sorry kay Billy. Sabi ko nga sa kanila, sa showbiz, pinaka-importante, yung marunong kayong makisama sa ibang tao at maayos kayong kausap,” aniya pa.

Dahil sa naging karanasan sa pagiging manager, naitanong din kay Ai-Ai kung posible pa ba na mag-manage siya muli.

READ: Ai-Ai Delas Alas sumabak na din sa pagma-manage ng talents

“Hindi na, mag-aartista na lang ako at magko-concert. Hindi pa sasakit ang ulo ko. I don’t need stress kasi nga next year, balak namin ng husband ko to have our own baby. Kung ang asawa ko nga’t mga anak ko, hindi ako ini-stress. Tapos sila pang tinutulungan ko na nga, silang nagdudulot ng sobrang stress sa buhay ko kaya ayoko na talaga.” pahayag pa niya