Ara Mina, handang-handa na para sa love life ngayong taon?

Ara Mina, ayaw magtanim ng sama ng loob sa mga ex.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

5/12/2019 10:46 AM
Ara Mina, handang-handa na para sa love life ngayong taon?


Photo credit: @therealaramina on Instagram

Kapansin-pansin na ang lahat ng birthday wish ng mga celebrity friends ni Ara Mina sa kanya ay ang magkaroon na ito ng love life.

“Oo nga. Eh, yon na lang naman talaga ang kulang, di ba? Di bale, nararamdaman ko parating na yon this year.

“May mga prospect na. Kinikilatis pa natin,” natatawang reaksyon ni Ara Minan nang makausap namin siya sa kanyang 40th birthday celebration na ginanap sa 142 Venue Events Place sa Katipunan, Quezon City.

So, ibig sabihin nararamdaman niya ngayon ang pangangailangan ng lalaki sa kanyang buhay?

“Siyempre naman,” pag-amin ni Ara. “Ayoko naman na tumandang… siyempre si Mandy (anak ni Ara) lalaki, mag-aasawa, gusto ko naman na magkaroon din ako ng partner in life.

“Pero timing lang naman kasi, eh. Habang maliit pa si Mandy nandiyan andiyan ako for her,” sabi pa niya.

Eh, ano bang katangian ang hinahanap niya ngayon sa isang future boyfriend?

“Hinahanap ko ngayon sa lalaki yung mas mahal ako. Gusto ko yung mas mahal ako at saka responsible, mamahalin din si Mandy and marunong sa buhay tapos mapagmahal,” lahad niya.

Samantala, wala sa birthday celebration ang ex-boyfriend ni Ara na si Mayor Patrick Meneses na nananatili niyang kaibigan kahit wala na silang relasyon. Busy ito sa kampanya pero meron naman itong video message sa aktres.

“In fairness naman, walang masasabi sa akin yung mga past relationships ko. Kasi hindi ako yung taong nagtatanim ng sama ng loob.

“Ganun lang yon, eh. If you’re not meant for each other, tanggapin mo and may nakalaan si Lord para sa ‘yo and ibibigay ni Lord yung deserve mo, di ba?” sambit niya.

Kapansin-pansin din na sa video greetings ay “my labs” pa rin ang tawag ni Mayor Patrick kay Ara kahit hiwalay na sila.

Aniya, “Ganun naman yon. Diyos ko, apat na taon na kaming hiwalay pero my labs pa rin. Siguro kahit may asawa na ako… hindi ko lang alam baka my labs pa rin ang tawag niya sa akin.”

Kinikilig pa rin ba siya kay Patrick?

“Hindi. Ano na, more on parang mag-best friend na kami. Natututunan pa rin pala na… siyempre love mo siya as a father of my daughter, pero hindi na yung dating love. Natutunan ko na mag-move-on,” sagot ni Ara.