• Home
  • Fresh Scoops
  • 2020 target date ni Jerrold Tarog para sa paglipad ni ‘Darna’

2020 target date ni Jerrold Tarog para sa paglipad ni ‘Darna’

Ibinahagi din ni Jerrold Tarog ang mga katangian na dapat mayroon ang bagong Darna.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

5/1/2019 9:44 AM
2020 target date ni Jerrold Tarog para sa paglipad ni ‘Darna’


Photo credit to the owner

Matapos ang pagbibitiw ng Kapamilya star na si Liza Soberano sa role bilang iconic pinay superhero na si Darna, tila tuloy-tuloy naman ngayon sa paghahanap ng bagong mukha bilang kapalit niya ang direktor ng nasabing pelikula na si Jerrold Tarog.

READ: Liza Soberano, hindi na matutuloy sa pagganap bilang Darna

READ: Jerrold Tarog is new 'Darna' director

“Naghahanap pa ng Darna,” bungad ni Jerrold sa panayam ng press.

Aniya, malaki ang naging panghihinayang niya para kay Liza bilang si Darna.

“Oo kasi, I did many things to the story to make sure na nagpi-fit doon sa personality ni Liza, but siyempre mas importante talaga ang kalusugan niya, so tanggap ko naman,” sabi pa niya.

Bilang direktor din, nakita din daw niya ang naging sakripisyo ni Liza sa paghahanda para gampanan sana ang iconic role.

“Sinabi din naman niya sa akin ‘yung training na ginawa niya, ‘yung pinagdaanan niya, and she really proved that she really can do Darna, pero naintindihan ko naman,” patuloy pa niya.

At nang hingan ng update kung sino na ba talaga ang gaganap na Darna, ito ang kanyang naging tugon:

“Siyempre pag nagsalita ako, (laughs) hindi pwede ‘yun, pero we’re still in the process of auditions. ‘Yun pa lang ang masasabi ko. Siguro puwede kong bitawan na mayroon ng shortlist, pero lalaki pa dahil mayroong auditions pa,” matipid na sagot ng direktor.

Pagdating naman sa pag-ugong ng iba’t ibang pangalan, mula kay Maja Salvador, Pia Wurtzbach, Maymay Entrata, Julia Barretto, Kathryn Bernardo, at Nadine Lustre, binigyang linaw ni Jerrold na hindi dapat ito nalalayo sa edad ni Liza.

“‘Yung material kasi, galing siya doon sa tina-trabaho ni Erik Matti before. So coming from age story siya, which means bata ‘yung Narda so nearly na sa age 20s siya with the same with Liza,” ani direktor.

Bilang direktor din, naitanong din kung ano para sa kanya ang dapat na katangian ng bagong Darna.

“Sa akin ang mas importante, ang marunong siyang umarte. Mas acting ability ang hinahanap ko, at ‘yung charm and presence niya sa script,” pahayag pa ni Jerrold.

Umaasa si Jerrold na sa 2020 maipapalabas na ang Darna.