April Boy Regino, nagbabalik sa pagkanta

Gusto raw ni '90s OPM icon April Boy Regino na kumanta para sa mga telserye tulad ng ‘FPJ's Ang Probinsyano’.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

4/5/2019 11:07 AM
April Boy Regino, nagbabalik sa pagkanta


Bukod sa pagka-miss niya sa kanyang mga fans, nais ni April Boy Regino na magbigay ng inspirasyon sa mga taong may kapansanan sa paningin kaya ngayon ay nagbabalik siya sa pagkanta.

Sa naganap na contract signing niya sa Star Music PH kahapon, April 4, ikinuwento ng ''Di ko Kayang Tanggapin” singer ang pinagdaanang pagsubok sa kalusugan at ang dahilan ng kanyang pagbabalik sa industriya.

"Masayang masaya po ako dahil nakabalik na naman po ako. Alam niyo, ang tagal kong pinag-isipan ‘to. Nung una ayoko na talaga pero sa pag-uusap namin ni Sir Vehnee (Saturno) napapayag niya ako na bumalik.

"Simula nang mabulag ako puro pag-iyak. Pero ngayon lumakas ang loob ko," pahayag ni April Boy na inaming anim na buwan siyang pinilit ng kanyang manager at ng kilalang composer na si Vehnee Saturno na bumalik sa industriya.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

Idol April Boy Regino officially signed his contract under Lodi Records! Welcome back to the family! #AprilBoyRegino

A post shared by Star Music (@starmusicph) on

 

Maalalang inanunsyo ng OPM icon ang pagre-retire niya noong 2014, dahil sa dinadaing na prostate cancer at ng diabetes na nagdulot sa kanya ng pagkabulag. 

"Napag-isip isip ko rin na kaya ako babalik, e [para] sa mga katulad kong nagkaroon ng deperensya sa mata, na nagkaroon ng kapansanan. E siguro sa pagbalik ko, magiging mas lalo pa silang inspirado sa akin, na magiging idol pa rin nila ako," paliwanag ni April Boy.

Nakaka-aninag nang muli si April Boy hindi gaya ng dati na tuluyan siyang walang nakikita.

Nakatakdang maglabas ng bagong kanta si April Boy na may pamagat na “Hanggang Sa Wakas,” mula sa Star Music. Ayon kay Vehnee, ang kanta ay inspirado sa buhay mag-asawa ni April Boy at Madelyn.