EXCLUSIVE: Ara Mina, tahimik na tumutulong sa ilang artista

Ara Mina: ‘Yung mga pagtulong na ginagawa ko, di ako komportableng pinag-uusapan’

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

3/8/2019 10:29 AM
EXCLUSIVE: Ara Mina, tahimik na tumutulong sa ilang artista


Photo credit: @therealaramina on Instagram

Sa tinagal-tagal naming maging malapit na magkaibigan ni Ara Mina ay hindi niya naikuwento sa amin kahit kailan ang tungkol sa ilang showbiz personalities na kanyang natulungan.

Only now, nang mainterbyu ang aktres na si Deborah Sun, namin nalaman ang ginagawa niyang pagtulong sa kapwa artistang alam niyang nangangailangan.

“Nahihiya nga ako na nagkuwento pa si Tita Debs tungkol don,” kuwento sa amin ni Ara.

Ang tinututukoy ni Ara na ikinuwento ni Deborah ay ang pagtira nito nang libre sa kanyang condo unit sa Quezon City na malapit sa Nepa Q-Mart. Tatlong taon nang nakatira si Deborah at ang dalawa niyang anak sa naturang condo.

Hindi na nag-elaborate pa sa amin si Ara kung ano pa ang ginagawa niyang tulong sa pamilya ni Deborah.

From a source ay nalaman din namin na nagpasalamat ang dating sexy actress na si Rita Magdalena sa tulong na ibinigay sa kanya ni Ara noong panahong naputulan ito ng kuryente.

Ani Ara na tila hindi na naaalala ang nangyari, “Ah, yon ba? Hindi ko na maalala yon, eh. Hindi ko na matandaan. At saka hindi ko naman tinatandaan talaga yung mga ganung bagay. Maliit na bagay lang naman yon.”

Isa ring dating sexy star noong dekada ‘80 —si Lala Montelibano—ang tinulungan noon ni Ara at binigyan ng trabaho. Naging sales lady si Lala ng kanyang Ara’s Secret kiosk noon sa Market Market at hinanapan pa niya ng lugar na matitirhan.

“Nag-resign na siya. Ang alam ko bumalik na si Lala sa Davao. I hope she’s okay now,” komento ng aktres.

Patuloy niya, “Yung mga pagtulong na ginagawa ko di ako komportableng pinag-uusapan. Kasi sa akin na lang yon. Iba yung pakiramdam sa akin no’n, eh. Merong joy at certain fulfillment dito sa puso ko kapag ginagawa ko yon.”

Masaya namang ibinalita ni Ara sa PUSH ang tungkol sa kanyang papalago pang food business—ang Hazelberry Café—na ang main branch ay nasa Pwesto Community Mall sa Holy Spirit Drive, Don Antonio, Quezon City.

Second year pa lang ng kanyang resto pero last year ay nagkaroon na agad ito ng dalawang branches.

“Nag-open kami sa Madison Galeries, Alabang Hills nung badang third quarter ng 2018. Tapos before nag-end ang 2018 nag-open di kami sa Ayala Malls Feliz sa Marcos Highway,” balita pa niya.

Ngayong 2019 ay may dalawang branches daw ulit ng Hazelberry ang magbubukas.

“Magkakaroon na rin kami sa Alta Claro Bldg, McArthur Highway sa Angeles, Pampanga. Tapos inaayos na rin namin yung isa ang branch sa Ayala Fairview Terraces, Quezon City.”

Samantala, sa dami ng ginagawa ng aktres ay naisisingit pa rin niya ang paggawa ng pelikula. Kasama siya sa The Last Interview: The Mayor Halili Story na pinagbibidahan din nina John Estrada. Kasama rin sa pelikula sina Martin Escudero, Mon Confiado, Yayo Aguila, Phoebe Walker at marami pang iba.