• Home
  • Fresh Scoops
  • Aiko Melendez, nagpaliwanag kung bakit nag-back out sa Sandugo series ng ABS-CBN

Aiko Melendez, nagpaliwanag kung bakit nag-back out sa Sandugo series ng ABS-CBN

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

3/25/2019 8:04 AM
Aiko Melendez, nagpaliwanag kung bakit nag-back out sa Sandugo series ng ABS-CBN


Photo credit: @aikomelendez on Instagram

Humarap si Aiko Melendez sa ilang entertainment press na malapit sa kanya sa isang thanksgiving dinner na ginanap sa isang sosyal na resto sa BGC.

Pasasalamat niya ito para sa 2 beses na pagkakapanalo ng Best Supporting Actress Award sa 2018 MMFF entry na Rainbow’s Sunset na idinirek ni Joel Lamangan.

Nanalo si Aiko ng Best Supporting Actress sa MMFF na sinundan naman ng recognition from Gawad Pasado.

Sa naturang event ay nagpaliwanag din si Aiko kung bakit nag-back-out siya sa teleserye ng ABS-CBN na Sandugo kahit tapos na ang publicity photos ng project.

Ayon sa award-winning actress, ginawa niya raw ito para mag-concentrate sa political campaign ng boyfriend na si Jay Khonghun, mayor ng Subic,  na kumakandidatong vice governor sa Zambales.

“Sadly, hindi namin kasi nakita itong mangyayari, itong nangyayari ngayon sa sitwasyon namin ni Jay. So, I had to decline. Pasensya na po. And babawi po ako sa inyo. Mas kailangan lang kasi talaga ako ngayon ni Jay,” paliwanag ni Aiko.

Idinagdag din ng aktres na kay Vina Morales napunta ang role na dapat sana ay gagawin niya.

“Kaibigan ko si Vina. Sabi nga ni Vina sa akin, ‘Sis, tanggapin ko yung project na para sa ‘yo?’ Sabi ko, ‘Tanggapin mo dahil maganda iyang project na iyan,’” bulalas niya.

Patuloy niya, “But you know, sa buhay ng tao, di ba, there’s always a reason for everything. Maybe hindi talaga para sa akin dahil mas kailangan ako ni Jay ngayon.”

Natanong din si Aiko tungkol sa mga nglalabasang photos sa kanyang social media account na tila prenup photos nila ni Jay.

Depensa niya,  “Meron  kaming calendar na ipapamigay sa buong Zambales. So, we wanted that feel na parang ipakita namin yung ganda ng Zambales. So, nag-assume yung tao na parang pre-nup siya. 

Hindi pa rin daw sila engaged ng kasintahan.

"I’m not engaged yet. I don’t have a ring. I don’t have a proposal yet or something, not na nagpaparinig ako. Pero hindi, wala po, wala pa po,” rason niya.

Iginiit naman ni Jay na may plano na silang magpakasal ng aktres.

“Siyempre, oo naman,” sambit nito.

Samantala, bukod kay Jay, present din sa thanksgiving dinner ni Aiko ang ilang mga kaibigan tulad ng couple na sina Sunshine Cruz at Macky Matay at ang dalawa niyang anak na sina Andre at Marthena, na halatang aprub naman sa relasyon ng ina sa alkalde ng Subic.