• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Vance Larena, sunud-sunod ang mga blessings matapos bumida sa ‘Bakwit Boys’

EXCLUSIVE: Vance Larena, sunud-sunod ang mga blessings matapos bumida sa ‘Bakwit Boys’

Kasama si Vance Larena sa bagong teleserye ng ABS-CBN, ‘Nang Ngumiti Ang Langit’.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

3/14/2019 9:40 AM
EXCLUSIVE: Vance Larena, sunud-sunod ang mga blessings matapos bumida sa ‘Bakwit Boys’


Photo credit: IMDb (R)/ @vancelarena on IG (L)

Isa ang award-winning stage actor at bida ng critically-acclaimed film na Bakwit Boys ng T-Rex Entertainment na si Vance Larena sa masuwerteng napasama sa cast ng bagong ABS-CBN series na Nang Ngumiti Ang Langit na ipapalabas simula March 25.

Ayon kay Vance sa aming exclusive interview, maraming magagandang nangyari sa kanyang career pagkatapos bumida sa Bakwit Boys na idinirek ni Jason Paul Laxamana.

“Sunud-sunod po ang mga naging offers at proyekto na ginagawa ko after Bakwit Boys,” lahad ni Vance.

“Nagkaroon po ako ng chance last year na mag-appear sa Ipaglaban Mo at nakakatuwa po ang pagmamahal at reaction ng mga tao, soon sana makita din po nila ako sa MMK (Maalaala Mo Kaya).
 
“Available naman po sa YouTube ang kakatapos ko lang pong gawin na Find Her ni Direk Viktor Villanueva, first online series ng PLDT/Smart.

“Kasalukuyan din po akong nagshoshoot ng dalawang pelikula, ang Dead Kids ni Direk Mikhail Red at Open ni Direk Andoy Ranay.

“May IWant series din po ako na Story Of My Life ni Direk Miko Livelo at ang upcoming teleserye na Nang Ngumiti Ang Langit ni Direk FM Reyes, both under RSB Drama Unit.

“Malaki po ang pasasalamat ko sa Bakwit Boys dahil nagbukas ito ng napakaraming opportunity para sa akin. Maraming, maraming salamat po talaga sa lahat ng taong nagtitiwala sa kakayahan ko bilang tao at artista. Simula pa lamang po ito isang napakahabang paglalakbay,” dire-diretsong pahayag ng binata.

Ano naman ang mga bagong bagay na natutunan niya ngayog tuluy-tuloy na ang pagsbak niya sa pelikula at telebisyon?

Ani Vance, “Araw-araw po may bagong kaalaman, marami po akong natututunan at mas lalo na marami pa po akong kakaining bigas. Dahil nga po collaborative effort ng napakaraming tao ang paggawa ng isang palabas, kailangan ko pong gawin ng maayos, mahusay at maging propesyunal sa aking parte sa trabaho.”

Eh, ano naman ang feeling na nakakatrabaho na niya ngayon ang malalaking artista sa industriya?

“Sobrang thankful at overwhelming po lalo na po’t matagal na panahon po akong naghintay dito. Lahat po ay nasa proper timing at nakaayon sa plano ni Lord kaya malaki po ang pasasalamat ko sa Kanya.

“Sa tingin ko ito na’po yung oras ko at ang landas na gusto ni Lord na tahakin ko. Pagbubutihan ko papo lalo at sana ma-glorify ko Siya sa lahat ng gagawin ko,” bulalas niya.

Dagdag pa ni Vance, hanggang ngayon daw ay hindi pa rin siya makapaniwalang unti-unti na niyang naa-achieve ang kanyang mga pangarap.

“Malaking karangalan at blessing po ang makatrabaho ang malalaking artista sa ABS. Lumaki po akong napapanood sila, imaginin niyo nalang po yung pakiramdam ko every time na kasama at nakakausap ko sila sa set.

“Hanggang ngayon para akong nananaginip. Very thankful din po ako na ang aking unang teleserye, walang bias, ay napakaganda at kapupulutan ng aral. Isang karangalan mapabilang sa Nang Ngumiti Ang Langit na sa aking palagay ay tatatak sa puso ng mga Pilipino sa matagal na panahon,” huling pahayag ni Vance na isa sa mga artists ng T-Rex Entertainment.