Karla Estrada, handa na nga ba sa pagbabalik pelikula?

Bibida si Karla Estrada sa upcoming comedy movie na ang Familia Blandina.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

2/13/2019 2:51 PM
Karla Estrada, handa na nga ba sa pagbabalik pelikula?


Photo credit: @karlaestrada1121 on Instagram
Looking forward na si “Queen Mother” Karla Estrada para sa nalalapit na pagpapalabas ng kanyang comedy movie na Ang Familia Blandina.
 
Ito ang pagbabalik pelikula ni Karla matapos ang matagumpay na 2017 Metro Manila Film Festival (MMFF) movie entry niyang Gandarappido: The Revengers Squad kung saan bahagi siya sa nagbigay kuwela kasama si Vice Ganda.
 
Kuwento ni Karla, asahan ang riot na katatawanan at kakaibang kuwento ng kanilang pelikula.
 
“Yes, sa February 27 na ang Familia Blandina abangan niyo dahil pinaghahandaan natin ang  premiere night, ang press conference at mag full blast kami after ng Valentine’s Day,” bungad ni Karla sa naging panayam ng PUSH sa kanya.
 
Aniya, mas pinili niyang idaan sa tawa ang nararamdamang kaba para sa kanyang pagbabalik pelikula.
 
“For some reason, ‘yung kaba ko, nauuwi sa excitement, eh. Hindi ako kinakabahan na parang nerbyos eh, na-e-excite ako kasi nakakatawa na parang umabot na ako sa punto na panoorin niyo (laughs), nakakatawa ang laki-laki ko sa screen (laughs),” masayang kuwento niya.
 
Dito, naging biro rin ni “Queen Mother” ang kanyang karakter sa pelikula kasama ang ilang bida sa pelikula tulad nina Jobert Austria, Marissa Delgado, Marco Gallo, Xia Vigor at iba pa.
 
 
“Nakakatawa kasi ang dami namin katatawanan ni Jobert (Austria) at ng buong family, pero kasi ako natawa sa sarili ko. Sabagay natatawa ako sa sarili ko talaga so what more kung napanood niyo talaga,” aniya.
 
Pagmamalaki pa ni Karla, kapupulutan ng katatawanan ang kanilang pelikula na malapit nang mapanood.
 
“Alam mo ‘yung nakakatawa tapos pulot na pulot mo ang kuwento dahil ang simple, dahil ang mga batang pinanganak mo sa America, bigla mong inuwi sa probinsya so na culture-shocked ang mga anak ko dito,” pahayag ni Karla.
 
Sa darating na Pebrero 27, inaasahan na magbubukas sa sinehan ang Familia Blandina, mula sa direksyon ni Jerry Lopez-Sineneng.