• Home
  • Fresh Scoops
  • Acting coach Bombi Plata, ibinahagi ang paghahanda kay Sam Concepcion sa HBO series

Acting coach Bombi Plata, ibinahagi ang paghahanda kay Sam Concepcion sa HBO series

Gagabayan ni coach Bombi Plata sina Sam Concepcion at Bianca Umali para sa ‘Halfworlds.’

BY JEFF FERNANDO

Twitter: @showbizjeff

FRESH SCOOPS

12/8/2019 12:47 PM
Acting coach Bombi Plata, ibinahagi ang paghahanda kay Sam Concepcion sa HBO series


Photo credit: @sam_concepcion IG

Pupusan na ngayon ang paghahanda ng Pinoy stars na sina Sam Concepcion at Bianca Umali para sa kanilang proyekto na Halfworlds na mapapanood sa HBO.

Ayon acting coach nito na si Bombi Plata, isang karangalan para sa kanya na ibahagi ang talento sa international audience ng HBO.

“Isang malaking blessing at karangalan para sa akin ang mabigyan ng pagkakataon na maibahagi ang kaunti kong nalalaman sa pag-gabay ng mga aktor upang epektibong nilang maihatid ang mga ideya, saloobin at tamang emosyon ng kanilang ginagampanang mga karakter sa mga manonood saan mang panig ng mundo,” pahayag ng acting coach ating panayam.

Kuwento pa ni Bombi, magandang pagkakataon din ang nakasama niya sa  trabaho bilang coach ng mga bituin na sina John Arcilla at Mary Joy Apostol sa pelikulang Birdshot, at Bea Alonzo, Gillian Vicencio,at Charo Santos para sa pelikulang Eerie.

“Sa biyaya ng Diyos ay napansin ang mahusay na pagganap ng mga aktor at aktres na ito ng mga manonood hindi lang sa Pilipinas, kundi pati na rin sa ibang bansa. Kada natatapos namin ang bawat proyekto, ay bukang bibig laging ibinubulong ni Direk Mikhail Red na, ‘Bombs marami pa tayong gagawin ha’, Kaya't itong HBO Halfworlds’ Season 3 ay inialok sa akin upang aming pagtulungan muli,” sabi pa niya.

Bilang coach, ibang paghahanda din ang plano niya para kay Sam Concepcion at Bianca Umali para sa kanilang gagawin na role para sa HBO series.

“Dito ay ihahanda ko sina Bianca at Sam kasama ang marami pang mga kilalang mga aktor at aktres sa Philippine Film and TV industry. Lubos na aking ikinararangal at ipinagpapasalamat sa Diyos. Mataas ang aking respeto kina Bianca at Sam. Nagsimula pa noong sila ay pumasok sa proseso ng Final Casting kung saan sila ay nag audition para sa lead roles.”

Pinuri din ni Bombi ang pagiging professional ng kanyang mga bagong tinuturuang bituin.

“Dumarating silang handa at nakapag-aral ng kanilang mga karakter at eksena. Dito ko gulat na nasambit sa mga producer namin na ‘Bianca gives her 101% every scene!’ First time ko makatrabaho si Bianca. Si Sam naman ay nakatrabaho ko na sa Coke Studio Season 2.”

At bilang coach, isa lang ang lagi niyang aral na ibinahagi sa kanyang mga tinuturuan.

“Matuto ka muna umuwi, bago ka mag-biyahe. Kilalanin muna ang sarili bago ang karakter na gagampanan. Siguraduhing kilala mo kung sino ka bago ka magsuot ng panibagong pagkatao. Ang karakter na gagampanan ay binubuo ng 50% of what is written on the script and 50% of how they interpret them as actors. Mahalaga ang paghahanda ng katawan, isip at puso bilang actor's tools,” pahayag pa ng acting coach.