• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Bayani Agbayani, may payo para kay Vhong Navarro bilang bagong kasal

EXCLUSIVE: Bayani Agbayani, may payo para kay Vhong Navarro bilang bagong kasal

Ano ang advice ni Bayani Agbayani sa kaibigang si Vhong Navarro ngayong nag-asawa na ito?

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/5/2019 12:15 PM
EXCLUSIVE: Bayani Agbayani, may payo para kay Vhong Navarro bilang bagong kasal


Nanghihinayang si Bayani Agbayani na hindi siya nakapunta sa kasal ng kaibigan niyang si Vhong Navarro sa longtime girlfriend nitong si Tanya Bautista na ginanap sa Japan noong November 28, 2019.

“Alam naman ni Vhong kasi maraming trabahong maiiwan. Nung Friday nga nag-taping pa kami (Home Sweetie Home: Extra Sweet), wala siya pero kung wala kami ni Luis (Manzano) hindi na matutuloy yung taping kaya naintindihan naman niya.

“Nanghinayang din ako kasi siyempre alam mo isa sa pinakamahalagang parte ng buhay niya yon, dapat nando’n kami. Tsaka matagal ko nang alam yung relationship ni Tanya at Vhong, ever since alam ko na yon. Yung kasal nila, three months ago pa meron na kaming invitation,” simulang kuwento ni Bayani sa PUSH.

Nagsimula ang pagkakaibigan nina Bayani at Vhong nung magkasama sila sa gag show ng ABS-CBN na Super Laff-in.

“Pareho pa kaming walang sasakyan no’n. Nag-aabang kami sa labas ng ABS-CBN ng taxi pag pauwi na kami. Yung panganay na anak ni Vhong inaanak ko tapos yung panganay ko inaanak din niya,” pagre-recall ng komedyante.

Simple lang naman ang ibinigay na wish si Bayani para sa kaibigan.

“Sana paglapitin n’yo ang inyong relasyon kasama ang panginoon Diyos, mas matatag, mas nandiyan Siya sa gitna,” sambit niya.

Nabanggit din ni Bayani na may mga pagkakataong humihingi sa kanya ng advice si Vhong lalo na sa pinasok nitong pag-aasawa.

Payo ni Bayani kay Vhong, “Sabi ko nga sa kanya, ‘Alam mo ang pag-aasawa hindi yan puro sarap. Mas masusubukan kung gaano kayo katatag pag nandiyan na yung problema. Huwag mong isipin na lagi kayong masaya, lagi kayong nagkakaunawaan.’

“Ang mag-asawa kasi siyempre magkaibang lugar, magkaibigang henerasyon, magkaibang dugo ang pinanggalingan tapos pinagsama kayo ng Diyos. So, ilagay mo na sa isip mo na hindi sa lahat ng desisyon mo, eh, yung asawa mo ay aayun. Hindi sa lahat ng aayunan mo ay gusto rin ng asawa mo.

 “Talagang magkakaron kayo ng hindi pagkakaunawaan, pero ang mahalaga kapag may Diyos sa gitna ninyo lalo kayong maglalapit at magkakaintindihan kayo sa isa’t isa.”

Maging sa sa kanyang mga anak  ay ganito rin daw ang kanyang paalala.

“Kahit sa mga anak ko sinasabi ko, ‘Anak, pag kayo nag-asawa na whether bata kayo o nasa edad na kayo lagi n’yong alalahanin na may asawa na kayo.’ Napakaraming tukso sa mundo – napakaraming magagandang babae, napakaraming mga guwapong lalaki – eh batang-bata pa sila. Sabi ko, pagka tumuntong sila sa pag-aasawa dapat sa utak at sa puso nila, isipin nila na may asawa na sila,” pahayag pa ni Bayani.

May pagkakataon din daw na nilalapitan niya si Vhong kapag may problema siya sa asawang si Lenlen.

“Minsan pagka meron kaming hindi pagkakaunawaan ni Lenlen pinupuntahan ko siya sa bahay niya pagkatapos kong magpunta sa simbahan. Tapos hahainan niya ako ng pagkain, magkukuwentuhan kami, tapos uuwi na ako. Kasi mas maganda yung may pinupuntahan kang isang kaibigan.

“Ang tagal na kasi ng pinagsamahan namin ni Vhong. Nagpasalamat nga ako na nagkita pa rin kami sa finals, eh, (laughs). At least ngayon magkasama kami sa sitcom, eh. Di ba, nagkasama kami sa umpisa, tapos ngayong ako may edad at may mga pami-pamilya ng sarili nagkasama pa rin kami. Ang tagal na rin namin sa industriyang ito pero magkakasama pa rin kami,” huling  tinuran ni Bayani sa PUSH.