• Home
  • Fresh Scoops
  • Coco Martin, iginiit ang kahalagahan ng pagiging istrikto sa oras sa kanyang co-actors

Coco Martin, iginiit ang kahalagahan ng pagiging istrikto sa oras sa kanyang co-actors

May kaparusahan daw kapang nale-late sa set ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/22/2019 12:13 PM
Coco Martin, iginiit ang kahalagahan ng pagiging istrikto sa oras sa kanyang co-actors


Nagbigay ng mga dahilan ang FPJ’s Ang Probinsyano lead actor na si Coco Martin kung bakit sobrang higpit niya sa set ng nangungunang teleserye sa bansa na napapanood sa ABS-CBN kung saan bukod sa bida siya rito playing the role of Cardo Dalisay, ay siya rin siya sa sumusulat at nagdidirek ng programa.

Paliwanag ng aktor, “Sabi ko nga, kung bakit ako mahigpit sa mga co-actors ko lalo na do’n sa mga baguhan, kasi lagi kong tinitingnan yung sarili ko sa kanila na nung nagsisimula ako hindi ako naglalaro sa set.

“Kasi, siyempre gusto kong mangyari sa kanila yung nangyari sa akin – na parang ang trabahong ito hindi laru-laro ito. Yung pagiging artista natin, hayaan mo na sa mga tao ‘yan. Kung tawagin kang idol, tawagin kang whatever kung anuman ang tinatawag nila sa ‘yo, hayaan mo na sa kanila ‘yon. Nandito tayo para magtrabaho.”

Partikular na tinukoy ni Coco ang pagiging mahigpit niya sa oras ng kanyang co-actors.

“Kaya napakahigpit ko sa oras, kasi gusto ko lalung-lalo na yung mga nagsisimula na ang matutunan nila ay yung pagiging professional. Kasi ako, naniniwala ako na maraming magagaling na artista, maraming mga sikat na artista, pero iilan lang yung mga artista na propesyonal sa trabaho nila,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Coco, “At sa palagay ko yon ang mga artistang nagtatagal sa industriyang ito. Kaya habang nagsisimula pa lang sila yon ang inilalagay ko sa isip nila.

“Sa Probinsyano po, kahit yung medyas nila tsinitsek ko, ganun kahigpit kami sa Probinsyano. Bawal ma-late, kahit ma-late ka ng five minutes magpe-penalty ka pakakainin mo ang buong set.

“Pag hindi ka naka-black na medyas, pakakainin mo ang buong set. Basta, kumbaga, ngayon pa lang turuan mo sila na maging tama yung attitude nila sa trabaho. Kalimutan nila yung… hindi tayo dito nagpapasikatan, pag nasa set tayo pantay-pantay tayo, nagtatrabaho tayo, ganun kasimple.”

Naiintindihan din ni Coco ang halaga ng oras ng mga artista sa kanilang pamilya dahil isa rin siyang artista.

Aniya, “Kung bakit ako maaga sa set at gusto ko on time, kasi po naniniwala ko na gusto kong makauwi nang maaga para sa mga mahal natin sa buhay. Kasi artista rin ako, gusto ko ring makauwi nang maaga para magkaroon pa ako ng time para sa pamilya ko.

“Tapos kung meron man akong ibang trabaho kinabukasan meron pa rin akong lakas para sumegue kaya ang ina-achieve ko yung agahan natin, bilisan natin, mag-focus tayo para at the same time ma-pack-up tayo nang maaga para lahat masaya, hindi lang mga artista kundi pati mga staff and crew,” lahad pa niya.

Maging sa syuting ng Metro Manila Film Festival movie niyang 3POL Trobol: Huli Ka Balbon ay palagi rin siynag maaga sa set. In fact, 5 a.m. pa lang daw ay nasa location na siya lalo na nung time na ang kinukunan ay ang karakter ni Paloma dahil kailanga ng matagal na oras sa pagme-make-up.

Kasama ni Coco sa 3POL Trobol na ipapalabas simula December 25 sina Jennyln Mercado, Ai-Ai Delas Alas, Sam Milby, Carmi Martin, Bianca Manalo, Joey Marquez at marami pang iba.

Si Coco din ang director ng naturang pelikula mula sa kanyang CCM Productions.