• Home
  • Fresh Scoops
  • ‘Miracle in Cell No. 7’ director Lee Hwan-kyung at producer Kim Min-ki, nag-react sa Pinoy version nito

‘Miracle in Cell No. 7’ director Lee Hwan-kyung at producer Kim Min-ki, nag-react sa Pinoy version nito

Direktor at producer ng original na ‘Miracle in Cell No. 7’ pinuri ang Pinoy adaptation ng Korean hit movie.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

12/18/2019 12:03 PM
‘Miracle in Cell No. 7’ director Lee Hwan-kyung at producer Kim Min-ki, nag-react sa Pinoy version nito


Dumating sa Pilipinas para manood ng premiere night ng Miracle In Cell No. 7 noong Lunes, December 16, si Lee Hwan-kyung, ang direktor ng orihinal na Miracle in Cell No. 7 at si Kim Min-ki, ang producer ng nasabing record-breaking movie sa Korea.

Ayon sa dalawa, pagkatapos mapanood ang pelikula, na-impress sila sa Pinoy adaptation Korean hit movie.

Wika ni Kim Min-ki sa ginawang pag-translate sa Filipino ng kanilang interpreter, “Yung feeling ko po na hindi ko alam na merong original, parang ito yung original kaya sobrang maganda yung feeling at experience namin sa panonood ng inyong Pinoy version.”

Sobra rin daw silang na-impress sa mahuhusay na pagganap ng mga artistang kasali sa pelikula at hindi nila malilimutan ang pagkaka-execute ng ending nito.

“Yung final scene ng movie, mas touching siya kesa sa original kaya sa last part pinaka-impressive, sobrang nakaka-touch. Parang nakatanggap kami ng regalo from the Philippines,” pahayag naman ni Director Lee.

Bukod sa kanilang paggawa ng “highest grossing Korean film” noong 2013, bakit nga ba tinitingala sina Lee Hwan-kyung at Kim Min-ki sa larangan ng pelikula?

Si Direk Lee Hwan-kyung ay isa ring manunulat ng pelikula na nagtapos sa Seoul Institute of the Arts, isang primyadong paaralan sa South Korea. Dalawang taon pagkatapos ng kanyang unang pelikula (He Was Cool), siya ay pinarangalan bilang Best New Director para sa pelikulang Lump Sugar sa 2006 Chunsa Film Art Awards.

Noong 2013, napanalunan niya ang Best Screenplay sa Grand Bell Awards para sa Miracle in Cell No. 7. Nagtamo rin siya ng nominasyon bilang Best Director para sa pelikulang ito.

Nabuo niya ang Miracle in Cell No. 7 sa limitadong budget, gayunpaman ito ay isa sa mga pelikulang kumita nang malaki sa takilya, na may 12.32 million viewers sa South Korea pa lamang. Sa ngayon, ginagawa ni Lee Hwan-kyung ang pelikulang Next Door Neighbor.

Si Kim Min-ki naman ay nagtamo ng Masters Degree in Film Planning sa France. Matapos ang ilang taon na paggawa ng commercial films, itinatag niya ang FineWorks noong 2004. Ang entertainment company na ito ay dalubhasa sa paggawa ng feature films at television series, na karamihan ay horror, family and romantic-comedy genre. 

Noong 2011, siya ang nag-produce ng The Champ, ang ikatlong pelikula ni Lee Hwan-kyung. Ito ang kanilang unang kolaborasyon.  Matapos ang dalawang taon, gumawa sila ng kasaysayan dahil sa tagumpay ng Miracle in Cell No. 7 na pinagbidahan ni Ryu Seung-ryong.

Ang Miracle In Cell No. 7 na idinirek ni Nuel Naval ay official entry ng Viva Films sa 2019 Metro Manila Film Festival na magsisimula sa December 25. Ito ang pangalawang pelikula ni Aga Muhlach sa MMFF after May Minamahal with Aiko Melendez na ipinalabas 26 years ago.