Vice Ganda, naresbakan sa pag-prank si Nikko Natividad

Naunang i-prank call ni Nikko Natividad si Vice Ganda sa MOR 101.9.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

12/17/2019 8:58 PM
Vice Ganda, naresbakan sa pag-prank si Nikko Natividad


Photo Credit to @praybeytbenjamin and @ hashtag_nikko IG

Noong nakaraang taon ay naging viral ang prank call na ginawa ng Hashtags member na si Nikko Natividad kay Vice Ganda na katrabaho niya rin sa programang It’s Showtime.

 Read: Following a prank call that went viral, Nikko Natividad asks for Vice Ganda's forgiveness

 Nang bumisita naman sa MOR 101.9 si Vice, binawian niya si Nikko at naging biktima ito ng kanyang prank call. Sa MOR 101.9 din noon na-prank ang The Mall, The Merrier star.

 Tinawagan naman ni Vice si Nikko at nagkunwaring matatanggal na ito sa programa dahil nagalit umano sa kanya ang kanilang direktor na si Bobet Vidanes dahil sa kanyang joke tungkol kay Raymund Marasigan, na naging guest nila sa programa.

“Nakapagmura nga, e. Sabi, ‘Bakit bastos ‘yang demonyong ‘yan? Bakit lumalaki ‘yung ulo? Hinahayaan niyo kasi, e!’ Bakit hindi ka raw ni-reprimand, hindi ka raw sinuspinde?” kwento ni Vice kay Nikko.

Naging seryoso naman ang tono ni Nikko at nakiusap na magpapaliwanag siya ng personal kay Direk Bobet.

“Wag naman po tanggalin. Ate Vice, wag naman tanggalin agad. Ako po kumausap kay Direk mismo ‘wag naman po tanggalin agad siyempre kailangan ko po ng trabaho,” ani Nikko.

“Gagawan ko na lang po ng paraan ate… Inaamin ko naman po baka kasalanan ko po ‘yung nangyari sa interview pero gagawan ko po ng paraan para wag naman po alisin,” pakiusap pa niya.

Hindi pa rin binubuko ni Vice ang kanyang sarili nang sabihin ni Nikko na, “Sakit ng ulo ko… Hindi ko alam gagawin ko, Ate.”

Nagbigay naman ng payo si Vice sa kanya at saka sinabing prank lamang ito.

“Kasi alam mo, iisipin mo ‘yung mga ginagawa mo. Parang dati, natatandaan mo, prinank mo ako sa MOR 101.9? Kaya nga ngayon, pinaprank din kita, para makaganti ako sa ‘yo!”

 

 

“Hayop na ‘yan! Ate naman!” ang unang naging reaksyon ni Nikko at sinabing sumakit ang ulo niya sa prank ni Vice Ganda.

“Balik balik lang, karma karma lang ‘to Nikko. After 1 year ako naman ang may pino-promote na pelikula so ako naman ang magpa-prank,” natatawang sagot ng komedyante sa dancer-actor.

“Ang sakit sa ulo kasi nung sayo, trabaho ‘to. Akala ko... Matatapos na nga ang Kadenang Ginto maghahanap naman ako ng trabaho,” sambit naman ni Nikko.

Bukod sa pagiging parte ng It’s Showtime, gumaganap din bilang si Gino Bartolome sa Kadenang Ginto.