Pokwang, ramdam ang mababang pagtingin sa mga komedyante

Inamin ni Pokwang na minsan siyang natrato nang mali dahil sa kaniyang trabaho bilang komedyante.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

12/16/2019 4:09 PM
Pokwang, ramdam ang mababang pagtingin sa mga komedyante


Photo credit to the owner

Tila hindi nalalayo ang naging karanasan ng komedyanteng si Pokwang sa naging pahayag ng It's Showtime host na si Vice Ganda tungkol sa mababang pagtingin ng tao sa comedy.

Ayon kay Pokwang na madalas naiimbitahan para magbigay ngiti sa mga manonood sa iba't ibang lugar, minsan na niyang naramdaman ang mababang trato sa katulad niyang komedyante.

“Yes, oo,” tugon pa ni Pokwang sa panayam. “‘Yung minsan na pangyayari sa mga shows mararamdaman mo rin na parang 'ha dito lang talaga kami naka tambay?”

Minsan man nakaranas ng hindi magandang pagtingin sa kaniyang propesyon, nanatiling propesyunal si Pokwang sa kaniyang trabaho.

“Pero ako pinagdarasal ko na lang na 'okay lang, bigyan niyo na lang po ako ng powers na mapasaya ko sila,’ ganun talaga e, dumarating talaga ang mga ganung pagkakataon. Itawa mo na lang, wag ka magpaapekto kasi haharap ka sa kanila so ‘pag nag reflect sa mukha mo 'yun, wala na.”

At sa pagbibigay ngiti sa ibang tao, ibinahagi rin ni Pokwang ang kaniyang hamon sa kaniyang trabaho na sabayan ang pagbabago sa comedy.

“Kailangan talaga sumabay. Kailangan kasi ‘yung mga millenials kailangan sasabay ka sa kung ano ang uso, kailangan mo talaga mag-evolve din kasi kung hindi 'pag naiwan ka doon, wala na,” pahayag pa niya.

Sa ngayon, isa si Pokwang sa mga mapapanood sa 2019 Metro Manila Film Festival na Mission Unstapabol: The Don Identity kasama ni Vic Sotto na mapapanood ngayong Disyembre 25.