• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Allen Dizon masusungkit ba ang Best Actor award sa MMFF?

EXCLUSIVE: Allen Dizon masusungkit ba ang Best Actor award sa MMFF?

Ipinagmamalaki ni Allen Dizon ang pagiging bahagi niya sa Metro Manila Film Festival entry na ‘Mindanao.’

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/16/2019 10:18 AM
EXCLUSIVE: Allen Dizon masusungkit ba ang Best Actor award sa MMFF?


Aware ang multi-awarded actor na si Allen Dizon na hindi sa lahat ng pagkakataon na may pelikula siyang kasali sa international film festival ay mananalo din siya ng Best Actor award. 

“Sabi nga nila, hindi naman palaging ikaw. Bigyan mo rin naman ng chance ang iba,” reaksyon ng internationally acclaimed actor na kapareha ni Judy Ann Santos sa Mindanao na kasali sa 2019 Metro Mania Film Festival.

Si Juday ang tinanghal na Best Actress sa Cairo International Film Festival na hindi naman napagwagian ni Allen bilang best actor.

“Yung ibang mga international film festival na sinalihan ng mga pelikula ko, minsan may time na nananalo ka kasi ikaw talaga yung mismong bida sa pelikula at yung focus ng story nasa ‘yo, so  pag nanalo ka, alam mo mismo sa sarili mo na may chance ka talaga and well-deserved.

“Pero lately, may ginagawa din ako kay Ai-Ai (delas Alas), yung Area, which is mas lamang siya sa akin sa role and mas yung sympathy ng tao nasa kanya. Dalawang beses akong na-nominate do’n dalawang international film festival pero dalawang beses din akong natalo kahit nando’n ako,” kuwento pa niya.

Base daw kasi sa kanyang obserbasyon sa international film festival nilahukan, hindi talaga lahat ng award ay puwedeng ibigay sa isang pelikula.

Lahad ni Allen, “Ang alam ko kasi na kapag tinawag na yung Best Actress – si Ai-Ai --  siya yung nanalo, hindi na ako nag-i-expect na manalo pa ako kasi unang-una, international film festival yon, kung ibibigay sa actor o sa actress, siyempre isa lang ang bibigyan niyan. Ganun yung nakikita ko, di  ba?
“So nung Cairo, nung nanalo si Direk Brillante (Mendoza) nung artistic award niya ako yung kumuha ng award niya kasi nasa Cairo kami at ako lang yung naka-attend  sa Mindanao movie. Yung pangalawang award na ibibigay best actress na. Tinawag si Judy Ann at ako rin ang kumuha ng award niya.

“So hindi na ako nag-expect na ako pa rin yung best actor kasi nakadalawa na kami, eh.  Eh, yung mga kasali for competition 15 lang, alangan namang ibibigay sa amin yung tatlo, so paano naman yung 14 films pa na wala pang nakukuha.”

Nadi-disappoint pa ba siya kapag hindi nananalo ng acting award?

“Hindi naman yung nadi-disappoint. May time lang na siyempre malulungkot ka pero proud ka naman kasi nanalo yung kasama mo sa pelikula.  Pero siyempre, kahit papaano, tao ka lang din kasi, eh, may mga time na nalulungkot ka para sa sarili mo dahil ginawa mo naman yung best mo sa pelikula pero hindi ka pinalad.

“Pero nag-move-on na ako…  nagmo-move on na agad ako right after, so next festival naman, next award giving bodies naman kung saan ako puwedeng pansinin do’n na lang ako. Hindi naman ako parang wala na akong ganang gumawa ng pelikua. Kumbaga, as a human being, as an actor,  siyempre kahit papaano may mga sakit pa rin yon,” paliwanag ni Allen.

Eh, sa palagay ba niya ay makakabawi siya sa MMFF at mananalong best actor?

Sagot ng aktor,  “Ayoko ring sabihin na makakabawi ako, pero may chance naman siguro ang lahat na kasama sa pelikula, kasama sa film festival, dahil lahat naman yan magagaling din, pero hindi pa rin ako mag-i-expect. Kasi pag nag-expect ka parang masakit, eh.

“Ang sa akin na lang, sana lumaban yung pelikula, sana panoorin din ng mga tao at ma-appreciate nila yung pinaghirapan namin,” huling pahayag ng aktor sa exclusive interview ng PUSH.